Ni Clemen Bautista
SA bawat panahon sa kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas at sa kasaysayan ng Kongreso, karaniwan na ang mga panukalang-batas na pinagtitibay ng mga matalino, makabayan, matino, may integridad at maaasahang mga mambabatas, na para sa kapakanan at kabutihan ng ating bayan at ng mga mamamayan lalo ns sa kabutihan ng mga mahihirap. Hindi pabor sa dayuhan at sa negosyanteng tuso na walang nasa isip kundi ang magkamal ng tubo sa kanilang negosyo. Walang pakialam maghirap man ang ating mga kababayan.
Ngunit sa pagbabago ng panahon ay nagkakaroon tayo ng mga miyembro ng Kongreso at Senado na ang iba ay may mga sariling interes at interes ng iba na nais bigyan ng proteksiyon. Hindi maiwasan na may mga panukalang-batas na napagtitibay na pabor sa dayuhan, sa mga malalaki at maimpluwensiyang negosyante. May mga panukalang-batas din na pabigat at parusa sa ating mga kababayan. Nangyayari pa kung minsan na kahit ang isang batas na pinagtibay ay nagagamit sa pagsasamantala ng mga tuso at ganid na negosyante na ang katusuhan sa negosyo ay parusa at pabigat sa ating mga kababayan, iilan ang mambabatas na makabayan at masasabing may gulugod, maaasahan at may lakas ng loob na magharap ng panukalang-batas na susugan ang batas na nagagamit sa pagsasamantala o kaya ay ma-repeal o tuluyang pawalang-bisa at matuldukan ang pagsasamantala ng mga tuso at ganid na negosyante.
Sa ating makabagong panahon, isang bagong batas na pinaiiral na pinagtibay ng mga sirkero at payaso sa Kongreso ang hindi matanggap ng marami nating mga kababayan sapagkat pahirap at parusa ang epekto nito sa mga mamayan lalo na ang mga mahihirap. Ang bagong batas ay ang Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law o ang Republic Act No.10963.
Ang isa sa magandang probisyon ng TRAIN, ayon sa mga sirkero at payaso sa Kongreso ay ang suweldo ng mga manggagawa at empleyado sa gobyerno man o pribado na wala nang witholding tax. Matatanggap na nila nang buo ang kanilang suweldo. Hindi tulad noon na maliit man o malaki ang suweldo ng mga manggagawa at empleyado, ang suweldo nila ay kinakaltasan na ng witholding tax.
Sa kabila ng pag-alis sa withholding tax sa suweldo ng mga mangggawa at empleyado, ang papasanin naman nilang hirap ay ang kaakibat na excise tax ng TRAIN Law. Dahil sa excise tax, tataas ang presyo ng produktong petrolyo, ang mga pangunahing bilihin lalo na ang kuryente sa Pebrero ay kukuryentehin na sa pagbabayad ang mga consumer dahil sa taas-singil sa kuryente ng Meralco. Sa nakalipas na ilang araw nitong buwan ng Enero, kahit wala pang inilalabas na mga patakaran at tuntunin sa implemantasyon ng TRAIN Law, umiral na agad ang pagiging ganid ng mga tusong negosyante.
Nagtaas na sila ng presyo ng mga bilihin. Sa mga shopping mall, sa palengke at maging sa mga malaki at maliiit na tindahan. Naramdaman na ang sagasa ng TRAIN Law. Dahil sa pagtaaas ng presyo ng mga bilihin, hindi naiwasan ng iba nating kababayan ang magmura. Ang iba’y napa-look na lang sa sky. Sabi naman ng ibang ginang ng tahanan, wala tayong magagawa kundi ang sumunod, ang magtiis at magtipid na lamang sa paggastos.
Sa mga bayan sa lalawigan, ang mga may-ari ng gasoline station ay nagsimula na ring magtaas ng presyo ng gasolina at diesel. Hindi nasunod ang utos ng pamahalaan na ipagbili ang lumang stock ng petrolyo sa dating halaga at ang darating na stock ang tataasan ng presyo. Sa pagtataas ng presyo ng gasolina at krudo, angal ang mga jeepney driver at tricycle driver. Ayon sa kanila, hihiling sila ng dagdag sa pasahe. May mga tuso namang tricycle driver na naniningil na ng P10 sa mga pasahero. Katwiran nila, mataas na ang presyo ng binili nilang gasolina.
Sa panig naman ng mga militanteng Kongresista na bumubuo ng Makabayan bloc sa Kamara, ang pagpapatupad ng TRAIN ay ipinatitigil sa Korte Suprema. Ang TRAIN ay inilarawan nilang “anti-poor”o laban sa mahihirap. Hiniling din na maglabas ng TRO o temporary restraining order ang Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng TRAIN. Bukod sa nabanggit, nais din ng Makabayan bloc na ideklara ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang TRAIN dahil niratipikahan umano ng Kamara de Representantes at nilagdaan ito ng Pangulong Duterte na may paglabag sa panuntunan ng Mababang Kapulungan at sa 1987 Constitution.
Sa kabila ng iba’t ibang pananaw sa pagpapatupad ng TRAIN at pagtutol ng iba nating kababayan, ang SAGASA o epekto ng TRAIN ay tuluy-tuloy nang mararamdaman ng ating mga kababayan lalo na ng mahihirap na malulugmok lalo sa kahirapan.