Ni Orly L. Barcala

Tiniyak ng pamunuan ng National Food Authority (NFA) na hindi tataas ang presyo ng lokal na bigas kahit na inumpisahan na ng gobyerno ang pagpapatupad sa Tax Reformation for Acceleration Inclusion (TRAIN) law.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, mananatili sa P27 kada kilo ang presyo ng regular-milled variety ng NFA rice, habang P32 ang kada kilo ng well-milled variety.

Nagpasya ang NFA na maglabas ng pahayag dahil sa espekulasyon ng publiko na sisikad din ang presyo ng bigas, kasabay ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at iba pang mga bilihin dahil sa TRAIN law.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaugnay nito, inatasan ni Aquino ang Finance at Operation Department ng NFA na magsagawa ng cost analysis base sa magiging epekto ng bagong batas sa pagbubuwis.

Binalaan din ng administrador ang rice traders na huwag magsamantala sa taas-presyo dahil mahaharap sa parusa ang sinumang lalabag dito.

Hinikayat din ng NFA ang publiko na magsumbong sa kanilang opisina sa Valenzuela City laban sa mga magtataas ng presyo ng NFA rice.