Ni Bella Gamotea
Aabot sa 2,000 aplikante ang naisyuhan ng pasaporte sa inilunsad na Passport on Wheels (POW) ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Villar Sipag sa C5 Extension, Barangay Pulanglupa Uno, Las Piñas City, kahapon ng umaga.
Pinangunahan nina DFA Secretary Alan Peter Cayetano at Senador Cynthia Villar, isa sa mga nagtulak sa 10-year validity ng passport, ang paglulunsad ng POW vehicles na layuning mapagaan ang napakahabang pila ng mga aplikante sa mga consular office ng kagawaran sa Metro Manila.
Nabatid na apat na POW vehicle ang na-deploy sa Villar Sipag, bawat isa ay may kapasidad na makapagproseso ng 500 aplikasyon ng pasaporte kada araw, kaya nakagagawa ng 2,000 karagdagang slots bawat araw.
Ayon pa sa DFA, nasa transition period pa ito at patuloy na inirerepaso ang processing system at iba pang kailangan ng kagawaran upang lalong mapagbuti ang paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino, partikular sa mga overseas Filipino worker (OFW).
Iikot ang mga POW vehicle sa buong Metro Manila at sa iba pang key areas upang maabot ang 9,000 aplikasyon sa pasaporte kada araw at target itong madoble ngayong 2018.
Hiniling rin ni Cayetano sa National Bureau of Investigation (NBI) na tumulong sa pagtunton ng mga scammer at fixer na nagbebenta ng peke o non-existent passport appointment slots, kasabay ng pagtangging may sindikatong kumikilos sa DFA.