Ni Ellalyn De Vera-Ruiz
Dalawang malalakas na lindol ang magkasunod na yumanig sa Southern Tagalog nitong Linggo ng gabi, na sinundan ng dalawang mahihinang lindol nitong Lunes, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
May lakas na 5.0-magnitude ang unang lindol na tumama dakong 11:20 ng gabi nitong Linggo. Natukoy ang epicenter nito 30 kilometro (km) ng timog-kanluran ng Paluan, Occidental Mindoro.
Intensity 4 naman ang naramdaman sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Inihayag ng Phivolcs na ang lindol na may ganitong lakas ay nararamdaman "generally by people indoors and some people outdoors."
Samantala, ito ay naramdamang “weak” tremor na mayroong Intensity 3 sa Sablayan, Occidental Mindoro.
Ang Pola, Oriental Mindoro, Quezon City, Pasay City at Malolos, Bulacan ay naramdaman naman ang Intensity 2, bilang “slight” na pagyanig.
Naitala ang Intensity 1 sa Coron, Palawan.
Ang pangalawang lindol ay tumama dakong 11:49 ng gabi nitong Linggo, na may lakas na 5.2-magnitude. Ang epicenter nito ay natagpuan 26 km ng timog-kanluran ng Paluan, Occidental Mindoro.
Naramdaman ito sa Paluan at Maburao sa Occidental Mindoro sa lakas na Intensity 4, at Intensity 3 sa Quezon City at Tagaytay City.
Samantala, sa Manila City at Calatagan, Batangas naman ay Intensity 2, at sa Nasugbu, Batangas ay Intensity 1.