Ni Marivic Awitan

NAKABAWI ang Mapua University sa dikdikang laban sa third frame upang magapi ang Lyceum of the Philippines University, 27-25, 25-22, 24-26, 25-21, para sa ikalawang sunod na panalo sa men’s division ng NCAA Season 93 volleyball tournament kahapon sa FilOil Flying V Centre.

Nagtala ang Cardinals ng 37 errors na naging dahilan ng paghulagpos ng kalamangan sa kanilang kamay at panalo sa third set. Isinalba lamang sila ng hits mula kina captain Anjo Pertierra at senior Sam Damian.

“Ang maganda kahit nag-error kami, na-saside out agad namin,” ani Pertierra. “Buti na lang na-side out namin na di lalayo yung kalaban.”

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumapos si Pertierra na may 12 puntos kasunod ng topscorer na si Mark Jason Egan na may 19 puntos na binubuo ng 16 attacks at 3 blocks kabilang na ang win-clinching rejection.

Dahil sa panalo, umangat ang Cardinals sa markang 2-1.

Nanguna naman sa bokya pa ring Pirates si Jhonel Nexus na may 21 puntos Nakumpleto naman ng Lyceum Lady Pirates ang twin kill matapos iposte ang una nilang panalo kontra sa winless ding Mapua, 26-24, 24-26, 25-21, 25-17.

Umiskor ng tig-18 puntos sina Ellaine Juanillo at Monica Jane Seville upang pangunahan ang Lady Pirates sa paghanay sa win column matapos mabigo sa unang dalawang laro.

Nasayang naman ang game-high 19 puntos ni Dianne Latayan dahil hindi nito naisalba ang Lady Cardinals sa ikatlong sunod na kabiguan.