Ni Rizaldy Comanda

BAGUIO CITY - Nabulabog ang isang lamayan nang magkasunog sa kanilang kapitbahay kahapon ng madaling araw, na ikinasugat ng dalawang katao sa Purok 2, Barangay Cresencia sa Baguio City.

Napag-alamam na bago pa tuluyang masunog ang bahay kung saan nakaburol si Alfredo Carreon, 72, na namatay sa stroke, ay naagapan na ng mga nagrespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang apoy na mabilis kumalat dahil sa dikit-dikit ang kabahayan at makipot ang daan sa lugar.

Nabatid kay Fire Chief Nestor Gorio na nangyari ang sunog dakong 2:33 ng umaga kahapon, at siyam na bahay ang natupok, habang isa ang bahagyang napinsala, hanggang magdeklarang fireout bandang 3:50 ng umaga.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Aabot sa P1.3 milyon ang halaga ng napinsala ng sunog.

“Mabuti na lang at may lamayan sa lugar at may gising na mga tao, kundi baka may nadisgrasya pa,” sabi ni Gorio.

“Bago pa man abutin ng apoy ‘yung bahay na may nakaburol ay naagapan na ito ng mga bombero, kaya hindi masyadong napinsala ang bahay. Hindi rin siguro nila mailabas ng bahay ang kabaong habang nagkakasunog, dahil sa masikip ang daan.”

Ayon kay Gorio, nasugatan sa kamay si SPO2 Julius Wanawan, habang nagdugo naman ang ilong ni FO2 Rafael Gardose, samantalang nahirapan naman huminga sa makapal na usok si Erlinda Rulloda.

Sa imbestigasyon, nag-brownout sa lungsod dakong 10:00 ng gabi nitong Linggo hanggang magkasunog sa kuwarto ng bahay ni Gloria Marso, hanggang sa nadamay ang bahay nina Susana Navarro, Razzy Riatazan, Jose Rolluda, Hellario Rolluda, Alfredo Rolluda, Alex Parocha, at Michael Carreon.

Samantala, dakong 10:00 ng umaga kahapon nang inilipat sa punerarya ang labi ni Carreon para sa lamay, dahil sa Huwebes pa ito ililibing.