KAKAILANGANING magpasya ng gobyerno kung paano nito ipagpapatuloy ang kampanya nito kontra droga sa harap na rin ng magkataliwas na pahayag nina Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa at Solicitor General Jose Calida.
Inihayag noong nakaraang linggo ni dela Rosa ang pagbabalik ng “Oplan Tokhang” ng PNP, na ang tunay na kahulugan ay isang payapang inisyatibo sakaling ipatupad nang wasto. Sinisi niya ang mga “scalawag” sa pulisya sa nakalipas na problema sa mga pagpatay sa pagpapatupad sa nasabing kampanya. Dahil dito, ipinatigil ni Pangulong Duterte ang “Tokhang” ng PNP at itinalaga ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang pangunahan ang kampanya, katuwang ang pulisya, ang National Bureau of Investigation, at iba pang ahensiyang susuporta sa programa.
Tiniyak naman ni PNP Directorate for Operations chief Director Camilo Cascolan ang transparency sa panibagong pagpapatupad ng PNP sa kampanya kontra droga na sisimulan ngayong buwan. Magsusuot ng mga body camera ang mga pulis na sasabak sa operasyon, ayon sa kanya. Sasamahan ang mga raiding team ng pulisya ng mga opisyal ng barangay at ng mga kinatawan ng mga educational at religious institutions, maging ng mga miyembro ng media.
Layunin ng lahat ng ito na maisulong ang pagiging tapat ng kampanya at iwasan ang paglilihim at kawalan ng katiyakan kaugnay ng pagkamatay ng libu-libo sa pagpapatupad sa nasabing kampanya.
Subalit ang posisyon ni SolGen Calida sa Korte Suprema ay malinaw na taliwas sa polisiyang ito ng katapatan. Nitong Disyembre 5, 2017, hiniling ng Korte Suprema, bilang tugon sa mga petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng drug war, kay Calida at sa PNP na magsumite ng mga police report tungkol sa pagkamatay ng nasa 4,000 drug suspect. Sinabi ni Calida na hindi siya maaaring tumalima sa nasabing atas dahil ang “documents required involve information and other sensitive matters that in the long run will have an undeniable effect on national security.”
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inirerespeto ng Malacañang ang paninindigan ni Calida. Sa kabila nito, sinabi ni Senator Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na ang mga legal na halimbawa ay sumusuporta sa paghimay ng Korte Suprema sa mga kaso para sa mga ehekutibong pasya nito. Idinagdag niya, “If you refuse to give information, it means you are hiding something that’s not good.”
Magdedesisyon ang Korte Suprema sa usapin ng transparency bilang isyung legal. Subalit para sa karamihan sa bansa, masusi nilang susubaybayan kung ang pagpapatupad sa bagong Tokhang ay magiging kasing open at transparent gaya ng tiniyak ni dela Rosa — o kung mauulit lang ang dating operasyon ng pulisya nang libu-libo ang napatay sa pagpupursigeng matuldukan na ang banta ng ilegal na droga sa bansa.