Ni Mary Ann Santiago
Anim na bahay ang naabo at tinatayang 30 pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang sunog, na nagsimula umano sa napabayaang nilulutong ulam sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City.
Batay sa ulat ng Mandaluyong-Bureau of Fire Protection (BFP), dakong 8:37 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa junkshop, na pag-aari ng isang Felix Lumondang, sa Blk. 40 Bgy. Addition Hills, dahil sa napabayaang nilulutong ulam.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga basurang nakakalat sa junkshop, at dahil pawang gawa sa light materials ang mga nasunog na bahay.
Nahirapan din umano ang mga bombero sa pagpasok sa lugar ng sunog dahil sa makipot ang daan, hanggang sa umakyat sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang fire under control dakong 10:10 ng gabi, at tuluyang maapula bandang 10:55 ng gabi.
Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng naabong ari-arian.
Samatala, nasugatan ang isang residenteng nagngangalang ‘Kevin,’ nang mabubog ang paa habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.
Pansamantala namang nanunuluyan ang mga apektadong residente sa basketball court ng barangay.