IKINATUWA ng Malacañang ang pag-akyat ng Pilipinas sa Henley and Partners Passport Index, na naglalabas ng ranking ng lahat ng pasaporte sa mundo batay sa bilang ng mga bansa kung saan maaaring puntahan ng may pasaporte nang hindi kinakailangan ang visa.

Umakyat ang Pilipinas ng tatlong puntos at nasa ika-72 puwesto na ngayong 2018 mula sa ika-75 noong nakaraang taon, ayon sa Henley and Partners, isang global residence and citizenship planning firm.

Ayon sa survey, ang pasaporte ng Pilipinas ay mayroon nang visa-free access sa kabuuang 63 bansa.

Ang pinakamakapangyarihang pasaporte sa mundo sa kasalukuyan ay ang Germany dahil visa-free ang mamamayan nito sa pagbisita sa 177 bansa, kasunod ang Singapore, na nanguna sa Timog-Silangang Asya sa visa-free access sa 176 na bansa.

Ang Pilipinas, na nag-tie sa Indonesia sa ika-72 puwesto, ay pang-anim sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Pumangalawa ang Malaysia sa Singapore sa visa-free access sa 166 na bansa.

Sa 11 bansa sa Timog-Silangang Asya, pumangatlo ang Brunei sa mga pagiging visa-free nito sa 153 bansa.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sinisikap ng pamahalaan na tiyaking tataas pa ang ranking ng Pilipinas sa pinakamakakapangyarihang pasaporte sa mundo.

“We are assuring everyone that our people and the Department of Foreign Affairs (DFA) will continue to look towards securing visa-free access for Filipinos to more countries,” sabi ni Roque.

Samantala, kaugnay ng napaulat na backlog sa mga passport appointment sa DFA, binigyang-diin ng tagapagsalita na ginagawa rin ng gobyerno ang lahat upang mapabilis ang proseso ng aplikasyon ng pasaporte.

Aniya, magpapatupad ang DFA ng ilang pagbabago sa passport system ng kagawaran upang maging mas kumbinyente ito sa publiko.

Kabilang sa mga ito ang streamlining ng proseso ng passport application, isang pinag-ibayo at mas user-friendly na Online Appointment System, karagdagang passport appointment slot, mga bagong consular office sa labas ng Metro Manila, paglulunsad ng e-Payment system, pagkakaroon ng mga lane para sa mga overseas Filipino worker, at pagbabawas sa Automated Fingerprint Identification System (AFIS) backlog na nasa 33,000 ngayon.

Sinabi pa ni Roque na plano rin ng DFA na magpakalat ng mga Passporting on Wheels (POW) vehicle simula ngayong buwan upang mapaluwag ang tanggap na trabaho ng mga consular office sa Maynila.

Ipagpapatuloy din ng kagawaran ang lingguhang Mobile Passporting Services sa mga pangunahing lokasyon sa bansa, ayon kay Roque. - PNA