ni Ric Valmonte
TINAWAG ni Pangulong Duterte ang kanyang administrasyon na “purging regime”. Kasi, sa kanyang closed-door meeting sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Manila Hotel nitong nakaraang Huwebes ng gabi, inihayag niya mismo ang kanyang napipintong pagtanggal sa isang chairman ng government-owned and controlled corporation (GOCC), tatlong heneral ng Philippine Naional Police (PNP) at aabot sa 70 pulis dahil sa kurapsyon. “Hindi ako Santo. Mayroon din akong pagkakamali.
Pero, ang kurapsyon ay salapi na kailanman ay hindi naging isyu laban sa akin. Nasa gitna ako ng pagsisibak ng mga tao,” sabi ng Pangulo. Muling binigyan diin ng Pangulo ang kanyang paninindigan na alisin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Maaaring hindi naging isyung personal laban sa Pangulo ang kurapsyon. Ganyan naman lagi ang sinasabi kahit sa mga Pangulong nauna sa kanya, lalo na kay Pangulong Noynoy. Hindi raw sila corrupt, pero ang mga taong nakapaligid sa kanila ay siyang mga corrupt. Ang pagkakaiba ni Pangulong Digong sa mga nauna sa kanya, siya ay nagsisisbak dahil sa kurapsyon. At ang problema, sa ginagawa niyang ito, mayroon siyang tinitignan at tinititigan. Hindi parehas kung bumagsak ang kanyang palakol.
Tignan ninyo ang ginawa niya kina Faeldon, Gambala at Maestrecampo. Ang tatlo ay nauna niyang hinirang sa Bureau of Customs (BoC). Si Faeldon, bilang BoC Commissioner, katulong sina Gambala at Maestrecampo, ay gumawa ng sistema para makalusot sa BoC ang mga kargamento na hindi na sinisiyasat. Kaya, anuman ang laman ng kargamento, legal man o illegal, basta nagdaan ng green lane na itinakda ng grupo ni Faeldon, malaya at mabilis na nakalabas ang mga ito. Nadiskubre ang ganitong sistema nang makalusot ang P6.4 billion shabu shipment sa BoC. Sa hiwalay na imbestigasyon na isinagawa ng Senado at Kamara, lumabas na ang sistemang ginawa nina Faeldon, Gambala at Maestrecampo ang siyang salarin. Ang mga kargamento na nalalagay sa green lane, kaya malayang nakalulusot at hindi naiistorbo, ay nagbabayad ng enrollment fee sa Davao Group, at nagbabayad ng P17 milyon tara sa kada container. Hindi lang kurapsyon ang isyu laban kina Faeldon, kundi dahil sa kurapsyon, pumasok ang napakalaking shipment ng shabu, na ang mga nagtutulak at gumagamit nito sa bansa ay napapatay. Marami na ngang napatay ng maganap ang katiwaliang ito.
Ano ang nangyayari sa tatlo, sinibak ba? Inilipat lamang sa ibang departamento ng gobyerno. Sina Gambula at Maestrecampo ay hinirang ng Pangulo sa mataas na posisyon sa Department of Transportation, samantalang si Faeldon, sa Office of Civil Defense, Department of National Defense bilang Deputy Administrator. Ang huling inalis ni Pangulong Digong sa pwesto ay si Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Amaro III sa paglilinis ng Pangulo ng kanyang rehimen ng kurapsyon. Sa loob ng dalawang taon, 24 na beses bumiyahe si Amaro sa labas ng bansa. Ilang beses na bang bumiyahe ang Pangulo gaya ng ginawa ni MARINA administrator?