NAKIPAGKITA nitong Martes si Pangulong Duterte sa delegasyon ng Communist Party of China (CPC). Binigyang-diin ng Pangulo ang “desire and wish of the Filipino people to make our bonds stronger”, ayon sa Malacañang. Idinaos ang pulong sa gitna ng mga ulat na pinaigting ng China ang mga pagawain nito sa Kagitingan Reef sa South China Sea, na nagbunsod upang irekomenda ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paghahain ng diplomatic protest sakaling makumpirma ang mga ulat na nagpapatuloy pa rin ang militarisasyon sa bahura.
Sa kaparehong linggo, binigyang-diin din ni American Ambassador to the Philippines Sung Kim sa isang panayam sa telebisyon na determinado ang Amerika na ipagtanggol ang Pilipinas sakaling atakehin ito ng ibang bansa. Idinagdag niyang bagamat walang inaangking teritoryo ang Amerika sa South China Sea, labis itong nababahala kung hindi payapang mareresolba ang anumang hindi napagkakasunduan. Iginiit din niyang ipagpapatuloy ng Amerika ang pagbibigay ng proteksiyon sa mga pandaigdigang karapatan gaya ng kalayaan sa paglalayag at kalayaang lumipad sa ibabaw ng alinmang pandaigdigang karagatan.
Sa dalawang ulat na ito — ang pakikipagkita ng mga kinatawan ng China sa Pangulo sa Malacañang at ang pagbibigay-diin ng US ambassador sa suporta ng Amerika sa Pilipinas — ay nagpapaalala sa atin sa bagong taon na ito na hindi pa rin nareresolba ang dati nang problema ng agawan ng teritoryo sa South China Sea at nananatili ang tensiyon at posibilidad ng alitan sa naturang karagatan.
May inaangking isla ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei sa South China Sea, at diretsahang ibinasura ng China ang mga ito dahil, anito, mayroong soberanya ang China sa nasabing lugar. Nagtayo ito ng mga rampa at mga military installation sa ilang isla, iginiit na karapatan nila ito dahil sa naturang soberanya nila. Hindi rin kinilala ng China ang desisyon ng Arbitral Court ng United Nations na pumapabor sa pag-angkin ng Pilipinas sa teritoryo nito sa South China Sea.
Gayunman, pinili ni Pangulong Duterte na isulong ang polisiya ng pakikipagtulungan sa China, sinabing hindi ito ang akmang panahon upang igiit ng Pilipinas ang inaangkin nitong teritoryo na una nang kinatigan ng Arbitral Court. Ito ang dahilan ng mainit na paghaharap ng magkabilang panig sa pakikipagpulong ng Presidente sa delegasyong Chinese sa Malacañang nitong Martes.
Kasabay nito, nanatiling tahimik ang Pangulo kaugnay ng pagtiyak ng US ambassador sa kahandaan ng Amerika na protektahan ang Pilipinas sa anumang pagsalakay. Tinutukoy marahil ni Ambassador Kim ang posibleng pag-atake ng North Korea sakaling sumiklab ang digmaang nukleyar sa pagitan nito at ng Amerika. O maaaring ang nasa isip niya ay ang pagpapatuloy ng agawan ng teritoryo sa mga isla sa South China Sea.
Nauunawaan at tinatanggap natin ang pasya ng Pangulo na isantabi ang pasya ng Arbitral Court sa ngayon alang-alang sa kapayapaan sa rehiyon at sa benepisyong pang-ekonomiya na natatanggap ng Pilipinas dulot ng kasalukuyan nitong polisiya ng pakikipagtulungan sa China. Pinahahalagahan din natin — gaya ng tiyak nating pagpapahalaga rin ng Pangulo — ang pagtiyak ng Amerika na handa itong tumulong at ipagtanggol ang bansa laban sa anumang pagsalakay.