ISANG obra ang sasalubong sa bagong taon dahil mag-uumpisa na ang kuwentong aasinta sa laban ng dugo at puso, ang Asintado na pinagbibidahan ng Daytime Drama Queen na si Julia Montes kasama sina Shaina Magdayao, Paulo Avelino, at Aljur Abrenica simula ngayong gabi sa Kapamilya Gold.
Mapupuno ng aksiyon ang bawat hapon ng mga tagasubaybay ngayong makikilala na ng lahat si Ana (Julia), ang dalagang miyembro ng isang rescue team na pursigidong mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang kumupkop sa kanya, malagay man ang sarili sa kapahamakan. Wala mang inuurungang paghamon, patuloy naman ang pangungulila niya sa kanyang kapatid matapos silang magkahiwalay sa isang trahedyang pumatay sa kanilang mga magulang.
Sa kanyang serbisyo bilang rescuer, hindi inaasahang magkukrus ang landas nila ni Gael (Paulo), anak ng maimpluwensyang pamilya na kukuha sa kanya bilang personal nurse nang iligtas siya ng dalaga sa gumuhong minahan.
Sa kanilang pagsasama, magkakalapit ang kanilang puso at tuluyang mahuhulog ang loob sa isa’t isa. Ngunit agad din itong mapuputol sa pagdating ni Samantha (Shaina), isang sikat na jeweler at dating nobya ng binata na gagawin ang lahat upang mabawi siya.
Dito mag-uumpisa ang paghihirap ni Ana dahil walang-awang ipapapatay ito ni Samantha upang hindi maging hadlang sa kanyang planong mapukaw muli si Gael. Ngunit hindi siya magtatagumpay dahil mabubuhay ang mortal niyang karibal sa tulong ni Xander (Aljur).
Pero sa kanyang paggising, ibang buhay na ang magigisnan ni Ana dahil ikakasal na si Samantha kay Gael, na pupuno sa puso niya ng galit at tutulak sa kanya para maghiganti.
Ngunit isang malaking sekreto ang maaaring bumago sa lahat — si Samantha, ang nawawalang kapatid ni Ana na lalong sisira sa kanilang buhay kapag nalantad ang katotohanan.
Hanggang saan nga ba aabot ang poot nina Ana at Samantha sa isa’t isa? Sino nga ba ang mananalo sa kanila sa laro ng paghihiganti?
Kasama rin sa cast ng Asintado sina Lorna Tolentino, Cherry Pie Picache, Lito Pimentel, Agot Isidro, Nonie Buencamino, Gloria Sevilla, Aaron Villaflor, Louise Delos Reyes, Julio Diaz, Empress Schuck, Chokoleit, Ryle Santiago, at Karen Reyes mula sa direksiyon nina Onat Diaz at Lino Cayetano.