Ni Charina Clarisse L. Echaluce

Binalaan ng World Health Organization (WHO) ang mga digital gamer or video gamer laban sa pagkakaroon ng "gaming disorder", na idedeklara na bilang opisyal na sakit.

Sa “Online Q&A” nito, inihayag ng WHO na ang mga taong lulong sa paglalaro ng online video games ay dapat na mabahala tungkol sa pagkakaroon ng gaming disorder.

“People who partake in gaming should be alert to the amount of time they spend on gaming activities,” anang WHO.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Inilarawan ang gaming disorder bilang pattern ng pag-uugali ng paglalaro (“digital-gaming” o “video-gaming”) na nakukuha sa pamamagitan ng kawalang kontrol sa paglalaro, gaya ng pagbibigay ng prioridad sa paglalaro kaysa ibang gawain.

Bilang karagdagan, ang pagtindi ng atensiyon sa paglalaro ng online video games sa kabila ng pagkakaroon ng negatibong epekto ay maaaring ikonsidera bilang gaming disorder.

Binigyang-diin ng WHO na dapat na mabahala ang “gamers” na naaadik na sa paglalaro, at dapat na maging alerto sa pagbabago sa kanilang pisikal at sikolohikal na kalusugan, at kung maayos pa ba ang kanilang pakikipagkapwa-tao.

“For gaming disorder to be diagnosed, the behavior pattern must be of sufficient severity to result in significant impairment in personal, family, social, educational, occupational, or other important areas of functioning and would normally have been evident for at least 12 months,” pagpapaliwanag ng WHO.

Nakatakdang opisyal na mapabilang ang gaming disorder sa 11th Revision of the International Classification of Diseases (ICD-11), na gagamitin ng mga medical practitioner sa buong mundo, upang matukoy ang mga kondisyon at ng mga mananaliksik para naman ikategorya ang mga kondisyon, ayon sa WHO.