Ni REGGEE BONOAN
“HIRAP na hirap ako sa buhay ko sa ABS,” sabi ni Robin Padilla pagkatapos ng press launch ng Sana Dalawa Ang Puso na ikinatawa ng mga nag-iinterbyu. “Totoo! Nu’ng Bad Boy 3, ang laki ko, sabi nila (ABS CBN management) magti-taping na, magpapayat ako kasi sabi nila si Jodi (Sta. Maria) maliit, so kailangan kong magpapayat.
“Nagpapayat naman ako, nakakadalawang linggo pa lang kaming taping, sabi nila, ‘Uy, medyo mag-gain ka ng konting weight kasi magso-shooting kayo ni Ma’am (Sharon Cuneta, para sa Unexpectedly Yours), pinaglalaruan nila ‘yung katawan ko. Totoo nga, hindi ako nagbibiro, taba-payat, taba-payat, hindi naman na ako bata.”
Mapapanood na ang Sana Dalawa Ang Puso Enero 29 kapalit ng Ikaw Lang Ang Iibigin.
Ayaw na ba ni Robin gumawa ng teleserye?
“Hindi naman sa ayaw, una alam ni Ma’am Malou (Santos, big boss ng Star Creative) na kapag mag-a-action ako, pelikula, hindi ko na kaya ‘yung style ng teleserye sa action. Hindi ko na kaya kasi huling teleserye ko, araw-araw ang taping, hindi ko na kaya, matanda na ako, para na lang ‘yun sa mga bata,” pahayag ng aktor.
Kaya nang ipatawag siya ni Ms. Malou through his manager, Betchay Vidanes, pinag-isipang mabuti ni Robin kung tatanggapin o hindi ang inialok na project.
“Ang tagal kong pinag-isipan ‘yun! Kasi kapag bumalik ako ng Manila, hindi na matutuloy itong project (Bad Boy 3) na ito sigurado. E, siyempre nahiya rin naman ako kay Ma’am Malou,” saad ng aktor.
Sa solong panayam namin kay Robin, nabanggit niyang 9 PM pa lang ay natutulog na siya at gumigising naman ng maaga.
Nag-set ba siya ng cut-off time niya sa Sana Dalawa Ang Puso?
“Tatlong sunud-sunod na natupad naman ‘yung 11PM, pero I doubt kung matutuloy kasi ‘yung mga huli, lumampas na. Sana lang hindi araw-araw kasi hindi ko na talaga kaya, nagkakaedad na tayo,” katwiran ng isa sa dalawang leading man ni Jodi Sta. Maria sa karakter niyang Lisa na may-ari ng kumpanyang pinaglilingkuran ng aktor bilang si Leo Tabayoyong.
Pero open naman si Binoe na kapag nag-request ng extension ang production, pagbibigyan naman niya.
“Hindi ka naman pupuwedeng magsabi ng hindi kasi lalabas na masama ako o hindi maganda ugali ko,” aniya.
Pero masaya si Robin na kasama niya sina Jodi at Richard Yap. Aminado siyang tagasubaybay din siya ng Be Careful With My Heart na pinagbidahan ng dalawa.
“Fan na fan kasi ako ng love team nila at gustung-gusto ko silang magkataluyan kaya ganu’n. ‘Tapos bigla akong papasok, eh, siyempre bilang paggalang sa kanila kaya kinausap ko si Richard na kung puwede akong pumasok sa serye nila. Kasi matatag na ‘yung JoChard loveteam nila,” kuwento ni Robin.
Ang respetong ito ni Robin ang dahilan kaya mahal na mahal pa rin siya ng publiko lalo na ‘yung mga ka-batch niya sa showbiz. Hindi ito nawawala sa kanya sa lahat ng uri ng tao.
Natanong rin si Robin kung ano ang reaksiyon niya na nagalit sa kanya ang netizens dahil ipinahiya niya sa national television ang Korean contestant sa Pilipinas Got Talent 6 na umere nitong Sabado, Enero 13 dahil hindi marunong magsalita ng Tagalog.
Paniniwala ng netizens ay naging bully si Robin kay Jiwan.
“Wala akong pinagsisihan kasi ako pumupunta rin ako sa ibang bansa at ‘pag pumunta ako sa ibang bansa, pinipilit kong malaman kung ano ‘yung salita ro’n. Kasi bisita ka ro’n, ikaw ‘yung makikibagay.
“Kung pupunta ka rito sa Pilipinas at uutusan mo kami at ii-English mo kami, eh, baka nagkakamali ka kasi bayan ko ‘to! Bayan ko ‘to at handa akong mamatay anytime para sa bayan ko.
“Kaya kung sasabihin mo sa akin na sampung taon ka na rito at hindi ka pa rin marunong magtagalog, aba, eh, may problema ka, hindi mo puwedeng sabihin sa akin na mahal mo ang Pilipinas! Sabi niya, mahal niya ang Pilipinas, may girlfriend siyang Filipina pero hindi siya marunong magtagalog?
“Hindi ko naman siya inaway, sinabihan ko lang siya na parang tatay niya. Sabi ko sa kanya, ako para akong tatay mo, tandaan mo. Meron akong kilala ritong Korean, si Ryan Bang, ang galing magtagalog, mas magaling pa sa akin magtagalog. ‘Yun lang naman, advise lang naman sa kanya.
“Sa mga nagagalit na netizens, eh, ganu’n talaga, eh, di mahalin nila ‘yung Korean kung gusto nila! Wala naman problema sa akin ‘yun, magpakamatay sila sa Koreano kung gusto nila,” paliwanag ni Binoe.
May contestant din daw sa nakaraang PGT5 na hindi marunong magsalita ng Tagalog pero hindi naman pinilit ni Robin.
“Iba ito, eh, sampung taon nandidito sa Pilipinas. Kung tayong mga Pilipino na hindi magiging patriotic sa bansa natin, eh, ‘wag tayong humingi ng pagbabago!
“Kung tayo ay mananatiling alipin ng dayuhan, eh, kayo na lang. Hindi ako magpapa-alipin sa dayuhan, sa bansa ko? Hindi mangyayari ‘yun. Ako ang hari rito dahil bansa ko ito. Ngayon kung nasa Korea tayo, eh, di (sign ng love) ganu’n,” depensa ng aktor.
Ilang beses inulit ni Robin kay Jiwan na ang sinalihan niya ay Pilipinas Got Talent kaya dapat matuto siyang magsalita ng Tagalog.
Bago natapos ang stint ni Jiwan ay pinilit naman nitong magsalita ng Tagalog kahit nauutal at much appreciated iyon ni Binoe. Pinasalamatan din niya ang Koreano sa pagmamahal nito sa karelasyong Pinay.