Hinimok ni Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III kahapon ang Department of Health (DoH) na i-demand ang refund ng P3.5-bilyong kontrata sa Sanofi Pasteur kaugnay sa halaga ng Dengvaxia vaccines na nabili sa panahon ng administrasyong Aquino.

Ang pahayag ni Pimentel ay kasunod ng anunsiyo ng DoH na pormal na itong nag-isyu ng demand letters na humihiling sa French pharmaceutical company at tagagawa ng Dengvaxia vaccines, na isauli ang P1.4-bilyong halaga ng mga bakuna na ginamit sa pagsagawa ng serotesting sa mga bata na binigyan ng gamot.

Sinabi ng lider ng Senado na dapat igiit ng gobyerno ang full refund at hindi na bayaran lamang ang lahat ng mga nagamit na bote ng gamot.

“All the vaccines were defective from the very beginning. Therefore, under our laws, we should demand the whole P3.5-billion we paid them and not just part of it,” ani Pimentel.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

“The Civil Code says you can have a defective product replaced or refunded. Since there is no possible replacement for the vaccine, refund is the only option,” diin ni Pimentel.

Matapos magbayad ang Sanofi ng buong halaga, sinabi ng lider ng Senado na hindi ibig sabihin nito ay makakawala na ang kumpanya sa anumang pananagutan na maaaring lumutang matapos ilagay sa panganib ng severe dengue ang mahigit 800,000 bata.

Binanggit ni Pimentel na ang Pilipinas ay ang unang bansa sa Asia na nag-apruba sa Dengvaxia vaccine sa national immunization program simula nang inaprubahan ang anti-dengue program ng gobyerno noong Disyembbre 2015.

Inilunsad ang programa kontra dengue ng pamahalaan noong Abril 2016 sa mga bata sa pampublikong paaralan sa mga lugar na may mataas na insidente ng dengue. Mahigit 800,000 bata ang nabakunahan ng Dengvaxia.

Ngunit nitong Nobyembre 2017, naglabas ang Sanofi ng pahayag na itinataas ng bakuna ang panganib na magkaroon ng severe dengue ang mga hindi pa kinapitan ng nakamamatay nsa sakit. Nagtulak ito sa DoH na kaagad isuspendi ang programa.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ang pagbili ng Dengvaxia sa pamamagitan ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon. Nagbabalak din ang Senate Committee on Health, sa ilalim ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa usapin.

Nauna nang nangako si Health Secretary Francisco Duque III na isusulong ang kaso laban sa Sanofi na inakusahan niya na nagkasala ng “mental dishonesty” sa hindi pagsasabi ng lahat ng impormasyon kaugnay sa Dengvaxia nang ibenta nila ang produkto. - Hannah L. Torregoza