Nina FRANCIS T. WAKEFIELD at ROMMEL P. TABBAD
Ipinag-utos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang paglilikas sa mga residenteng nasa anim hanggang walong kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) kasunod ng magkakasunod na pagsabog ng Bulkang Mayon sa Albay simula nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay Undersecretary Ricardo B. Jalad, NDRRMC executive director at director ng Office of Civil Defense (OCD), batay sa eruption notification ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tinaya sa 2,500 metro ang taas ng abo na ibinuga ng bulkan patungong timog-kanluran.
Ito ay kasunod ng pagtataas ng Phivolcs sa alert level 2 sa paligid ng bulkan kahapon ng umaga, habang pinag-aaralan ang pagtataas sa alert level 3 sa pagpapatuloy at tumitinding pag-aalburoto ng bulkan na naitala ang ikalawa bandang 8:49 ng umaga kahapon.
Napaulat na muling nagbuga ng abo ang bulkan bago magtanghali kahapon, ang ikatlong pagkakataon sa nakalipas na 24 oras.
Naapektuhan ng ibinugang abo ang mga munisipalidad ng Camalig, Guinobatan, at Daraga sa Albay.
Sinabi ni Jalad na pagkatapos ng pagsabog ay nagsagawa ng paglikas sa mga bayan ng Daraga (Barangays Miisi, Banadero, at Matnog), Camalig (Anoling, Quirangay, Tumpa, Suha, at Tinubran), Guinobatan (Tandarora at Maninila), Ligao City (Baligang at Amti), Tabaco City (Magapo at Buang), at Malilipot (Canaway at Calbayog).
Ayon kay Jalad, inatasan na ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng mga apektadong bayan na magsagawa ng agarang assessment sa kani-kanilang lugar, at ipinag-utos din ang masusing pakikipag-ugnayan sa Phivolcs.
Namahagi rin ng face mask sa mga apektadong residente.