ni Bert de Guzman
NGAYONG Enero 2018, medyo matutuwa ang mga kustomer ng Meralco dahil mababawasan ng 52.6 centavos per kilowatt-hour (KPW) ang kanilang bayarin sa kuryente dahil sa pagbaba ng contract prices at spot market changes.
Gayunman, ang katuwaang ito ay parang bulang mapaparamdam ng panandalian lang sapagkat sa susunod na buwan (Pebrero), ay muling tataas ang singil dahil sa pagtaas ng excise tax (buwis) sa coal ng P50 per metric ton mula sa P10, at ang diesel ay papatawan naman ng excise tax na P2.50 per liter, sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) ng Duterte administration.
Tinext ko si Joe Zaldarriaga, Meralco spokesman, at tinanong ko kung totoong tataas ang singil sa kuryente sa Pebrero. Kinumpirma ni Joe na tataas nga ang electricity bills dahil ang generation charge ay tataas ng P0.0113 per kwh. Ayon sa Meralco, ang overall rate ngayong buwan ay P8.7227 per kwh kumpara sa nakaraang buwan na P9.2487 per kwh. Ito raw ang ikadalawang sunod na pagbaba sa overall electricity rates na ang kabuuang bawas ay 90.45 centavos per kwh sa loob ng dalawang buwan.
Batay sa mga ulat ng media (print, tv at radio), ang mahistrado ng Court of Appeals (CA) na sumulat ng desisyon na nagpapawalang-sala kay ex-Palawan Gov. Joel Reyes, akusado sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa noong Enero 2011, ay magreretiro na umano nang maaga.
Siya ay si CA Associate justice Normandie Pizarro na nakatakdang magretiro sa Pebrero 7, 2019, pagsapit ng kanyang ika-70 kaarawan, pero ayon sa mga balita, ipinasiyang hindi na hintayin ang mandatory age retirement at piniling magretiro sa susunod na buwan (Pebrero) o isang taong advance sa tunay na taon ng pagreretiro. Abangan natin kung pabubulaanan niya ang ulat na ito.
Siya, ayon sa mga report, ay magreretiro matapos isulat ang desisyon ng CA na nag-uutos sa pagpapalaya kay Gov. Reyes sa bilangguan at dismissal ng murder charge laban sa kanya sa Puerto Princesa Regional Trial Court.
Marami ang nagulat sa desisyon ng CA na binubuo ng limang miyembro sa botohang 3-2 tungkol sa acquittal ni Reyes. Kasama ni Pizarro sina Associate Justices Danton Bueser at Victoria Paredes sa pagpabor sa pagpapawalang-sala sa ex-governor. Kumontra sa desisyon sina CA Associate Justices Maria Filomena Sing at Marie Christine Azcarraga-Jacob.
Kabilang sa nagulat sa CA decision si presidential spokesman Harry Roque, prosecutor sa Ortega murder case, at sinabing isang “travesty” o paglapastangan sa hustisya ang kapasiyahan. Kinuwestiyon naman ni Solicitor General Jose Calida ang desisyon. Paiimbestigahan niya ang desisyong ito na umano”y “nangangamoy” at nakasusuka.
Pabirong naibulalas ng kaibigan kong sarkastiko ang ganito: “Ilang milyong kadahilanan kaya ang naging sukli ng gayong kapasiyahan?” Tugon ko naman: “Huwag tayong manghusga o mag-akusa. Hindi natin alam ang mga pangyayari. Hayaan ang taumbayan ang magpahayag kung magtatamo pa ng hustisya si environmentalist-journalist Gerry Ortega.”