Ni Mary Ann Santiago

Tatlong lalaki ang natagpuang patay sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, nitong Sabado.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), unang nadiskubre ang matigas nang bangkay ni Carlos De Jose, 62, basurero, sa loob ng kanyang barung-barong sa Collector’s Road sa Tondo dakong 9:00 ng umaga.

Ayon kay SPO3 Richard Escarlan, pinuntahan ni Lodwido Cosinco ang kapitbahay na si De Jose dakong 6:00 ng umaga upang gisingin sa pag-aakalang tulog pa ito.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Makaraan ang tatlong oras ay muling binalikan ni Cosinco si De Jose at nang gisingin ay nadiskubre niyang malamig na bangkay na ito.

Sumunod na nadiskubre ang bangkay ng 42-anyos na si Buboy Caballes, pulubi, dakong 10:00 ng umaga sa Zobel Roxas Street, kanto ng Oro-B Street sa San Andres Bukid.

Huling nakitang buhay ang biktima nitong Biyernes ng gabi, kasama ang kanyang live-in partner na si Julie Smith.

Nagulat na lang umano sila nang madiskubreng patay na ang biktima na hinihinalang inatake sa puso.

Samantala, dakong 4:30 ng hapon naman nang matuklasan ang bangkay ng isang hindi kilalang lalaki na inilarawang nasa edad 65, 5’3” ang taas, nakasuot ng berdeng sweatshirt, itim na long pants, at tsinelas.

Isa umanong pulubi ang biktima at nakatira sa Delpan Bridge, at huling nakitang buhay habang kumakain dakong 3:30 ng hapon.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na walang anumang sugat sa katawan ng mga biktima na indikasyon na posibleng walang foul play sa kanilang pagkamatay.

Gayunman, hinihintay pa nila ang resulta ng awtopsiya upang makapagbigay ng pinal na konklusyon sa kaso.