Ni MARTIN A. SADONGDONG

Muling umapela kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko ng pagtutulungan, pang-unawa at mahabang pasensiya sa inaasahang “horrible” na trapiko sa Metro Manila ngayon pa lamang dahil sa iba’t ibang proyektong imprastruktura na ilulunsad ng pamahalaan.

Sinabi ni MMDA Assistant General Manager Jojo Garcia na kailangan ang pagtutulungan ng lahat upang maibsan kahit paano ang epekto ng “heavier” traffic na inaasahan ngayong taon dahil sa konstruksiyon ng Department of Transportation (DOTr) para sa extension ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 hanggang Cavite at ng LRT-Line 2.

Ayon sa DOTr, magsisimula na rin ngayong taon ang konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 7 at North Luzon Expressway (NLEX) Harbor Link Segment 10 sa Caloocan City, gayundin ang pagpapagawa sa ilang tulay.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We would just follow what chairman (Danilo Lim) has been saying, ‘back to basic.’ We have a lot of road problems but we should address our problem on discipline because the traffic remains there,” ani Garcia.

Makaraang maitalaga sa puwesto noong nakaraang taon, naniniwala si Lim na dapat na maisapuso muna ng mga motorista ang disiplina bago ganap na maresolba ang problema sa matinding trapiko sa Metro Manila, at ito ang “back to basic” na paniniwala ng MMDA.

Ayon kay Garcia, ang mantra na ito ng MMDA ang nananatiling pangunahing solusyon laban sa matinding trapiko, dahil wala naman aniyang pansamantalang solusyon sa nasabing suliranin.

Kasabay nito, hinimok ng MMDA ang mga mall operator na palawigin ang implementasyon ng adjusted mall hours na napatunayan nang epektibo upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko tuwing holiday season.

May kasunduan ang MMDA sa mga shopping mall na i-adjust ang kani-kanilang operasyon simula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi, habang ang delivery hours ay itatakda ng 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga. Oktubre 15, 2017 naging epektibo ang nasabing kasunduan, na mananatili hanggang ngayong Lunes na lang, Enero 15, 2018.

Ayon sa MMDA, sa pamamagitan ng umiiral na adjusted mall hours ay bumilis nang 10 porsiyento ang trapiko sa mga pangunahing lansangan.