Ni Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Ynares Sports Center -Antipolo)

4:30 n.h. -- Kia vs Alaska

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

6:45 n.g. -- Magnolia vs NLEX

UNAHAN na makapagtala ng ikatlong panalo na magpapatatag sa kanilang kapit sa liderato ang sentro ng atensyon sa pagtutuos ng Magnolia Hotshots at NLEX sa tampok na laro ngayong gabi ng 2018 PBA Philippine Cup sa Ynares Sports Arena sa Antipolo City.

Magtutuos ang tinaguriang Pambansang Manok at ang Road Warriors na magkaiba ang naging kapalaran sa nakaraan nilang laban ganap na 6:45 ng gabi matapos ang unang bakbakan ganap na 4:30 ng hapon sa pagitan ng Kia Picanto at Alaska.

Manggagaling ang Magnolia sa 124-77 na pagdurog sa Picanto habang nasadlak sa unang pagkatalo matapos ipanalo ang unang dalawang laro ang NLEX sa kamay ng Phoenix, 95-102.

“It would be a different story I guess but I’m hoping that we can continue to play good defense in our next games, “ pahayag ni Hotshots coach Chito Victolero matapos ang nasabing 47-puntos na demolisyon sa Kia.

Sasandig muli si Victolero upang pamunuan ang kanyang koponan kontra Road Warriors kina Ian Sangalang, Justine Melton, Paul Lee at Jio Jalalon.

Sigurado namang hindi mapapabulaanan ang sinabi ni Victolero dahil tiyak na babawi ang tropa no coach Yeng Guiao sa natamong kabiguan sa kamay ng Fuel Masters sa pamumuno nina Larry Fonacier, Kevin Alas, rookie Kiefer Ravena, JR Quiñahan, Rabeh Al-Hussaini at Juami Tiongson.

Samantala sa unang laro, nakatikim na rin ng panalo, umaasa si Aces coach Alex Compton na magtutuluy-tuloy na ang maganda nilang laro upang umangat mula sa pagkakabuhol nila sa markang 1-2, panalo -talo kasalo ng Bolts, Rain or Shine at Globalport sa pagsagupa nila sa Kia na hanap pa rin ang mailap na unang panalo kasunod ng unang tatlo nitong pagkabigo.