Ni Czarina Nicole O. Ong
Napatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala ng graft si dating Carmen, Bohol Vice Mayor Josil Trabaho dahil sa kinitang pera sa pagpapatupad ng farm-to-market road projects ng munisipalidad noong 2003.
Hinatulan niyang makulong ng anim hanggang 10 taon at hindi na maaari pang magsilbi sa pamahalaan sa paglabag sa Section 3(h) ng R.A. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Oktubre 2000 nang atasan ni Trabajo ang Sangguniang Bayan (SB) upang ipasa ang dalawang resolusyon na magpapabilis sa implementasyon ng mga barangay road project na sumasaklaw sa Vallehermoso-Montehermoso at Luan La-Salvacion.
Taong 2003 nang inamin ni Trabajo na siya ang nag-supply ng limestone na “anapog” at binayaran ng P75,150 para sa 501 load ng “anapog” sa mga pagawain ng munisipalidad.
Sa kanyang depensa, iginiit ni Trabajo na hindi siya nakinabang sa nasabing transaksiyon dahil binayaran lamang siya makalipas ang isang taon. Depensa naman ng korte, ang "failure to show that [accused] profited from the transaction would not necessarily result in acquittal."
Kasabay nito, napawalang-sala naman si dating Mayor Pedro Budiongan, Jr., dahil sa kabiguan ng prosekuso na magbigay ng mga kinakailangang ebidensiya na nagsabwatan ang dalawang opisyal.