Ni Clemen Bautista

ILANG araw makalipas ang Bagong Taon, pinalutang na ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Charter Change (Cha-cha) o ang pagbabago ng ating Saligang Batas. Sa pagbabago ng 1987 Constitution, kasama sa babaguhin ang sistema ng pamahalaan sa Pilipinas. Magiging sistemang federal. Gagawin ang pagbabago sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) o ng magkasamang pagpupulong ng mga sirkero at payaso sa Kongreso at Senado. At kung matatapos ang mga gagawing pagbabago, ang timetable ni Speaker Alvarez ay gawin ang plebesito o referendum ng binagong Konstitusyon sa Mayo, kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Sa panayam kay Speaker Alvarez sa telebisyon, sinabi niya na mas praktikal na hindi na kailangang maghalal ng mga bagong senador sa 2019 sapagkat ang paghahalal ay magiging sagabal pa sa iminumungkahing federal na sistema ng pamahalaan. Isang scenario na wala nang eleksiyon. Sabi pa ni Speaker Alvarez, ang 11 senador na inihalal noong 2011 ang mananatili na lamang sa posisyon hanggang sa matapos ang kanilang panunungkulan sa 2022, kasabay ng pagtatapos ng termino ng mga senador na inihalal noong 2016.

Nasabi at naitanong tuloy ng marami natin kababayan, hindi puwede ang gusto ni Speaker Alvarez. Hilo ba siya?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Napakarami nang dapat palitan sa panunungkulan sa pamahalaan at halos isuko na ng mamamayan, balak pang hindi ituloy ang eleksiyon. Tiyak, aalma at kokontra rin ang mga senador at iba pang nais maging miyembro ng Senado. Sabi naman ng tambolero ng Malacañang, hindi na kailangan ang midterm election kapag pinagtibay na ng mamamayan ang bagong Konstitusyon sa isang plebesito bago sumapit ang 2019. Gayunman, walang dahilan upang pigilin ang mga nakatakdang halalan. Babala naman ng mga Obispo ng Simbahan, magsisimula ang diktadurya kung walang eleksiyon.

Maging si Vice President Leni Robredo ay tutol din sa pinalutang ng mga lider sa Kongreso na “no-election” (no-el) scenario sa 2019 para bigyang-daan ang pagpapalit ng gobyerno sa sistemang federal na pamahalaan. Ayon kay Vice President Leni Robredo, ang scenario ng walang eleksiyon ay lumalabas na “self-serving” o paglilingkod sa sarili sa panig ng mga mambabatas at labag sa karapatan ng mamamayan na pumili ng kanilang mga pinuno.

Sa Senado, ang nagsusulong naman ng cha-cha ay si Senate President Koko Pimentel. Ang mga lider sa Senado at sa Kongreso ay nagkasundo na magpulong ang dalawang kapulungan sa pamamagitan ng constituent assembly (Con-ass) at bigyang-daan ang pagbabago ng gobyerno sa federal na porma ng pamahalaan. Ngunit naiiba ang timetable ni Senate President Koko Pimentel sa timetable ni Spekaer Alvarez, na sa Mayo 2018 kasabay ng Barangay at SK election gawin ang plebesito. Nais naman ni Senate President Pimentel na ipakita sa mamamayan ang pagpapatibay ng balangkas ng Konstitusyon sa pamamagitan ng plebesito na gagawin kasabay ng eleksiyon sa Mayo 2019.

Bilang pangunahing tagapagsulong ng Cha-cha sa Senado, nagharap na ng resolution si Senate President Koko Pimentel, na hinihiling na ang Senado at ang Kamara ay magpulong sa Con-ass para sa layuning baguhin ang 1987 Constitution lalo na sa pag-aaral ng pagbabago ng sistema ng pamahalaan.

Gusto at ipinagtanggol ni Senate President Pimentel ang Con-ass kaysa Constitutional Convention (Con-Con) sapagkat ang gobyerno ay gagastos ng P19 bilyon at dahil ang mga delegado ng Con-Con ay ihahalal ng mga mamamayan. Aabutin ng dalawa hanggang tatlong taon bago matapos ang mga panukala sa pagsususog sa Konstitusyon. Paglulustay lamang ng salapi at pag-aaksaya ng panahon.

Sa panukalang takdang panahon ni Senate Prtesident Pimentel, sa Con-ass ay maaaring magawa ang mga susog sa Saligang Batas ngayong 2018. Handa at organisado na ang Kongreso. Alam na ang mga miyembro at kanilang komite. Itutulad ito sa mga komite ng Senado. Maaaring magawa ang mga panukalang susog sa Konstitusyon ayon sa Pangulo ng Senado, matapos na bigkasin ni Presidente Duterte ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo.

May mga nagsasabi na sa kabila ng pagbabago ng Konstitusyon, maaari umano itong gamitin sa pagpapalawig sa tungkulin ni Pangulong Duterte, ng mga sirkero at payaso sa Kongreso, ng pagpapalakas ng mga political warlord, isusuko ang bahagi ng ating national sovereignty sa mga negosyong dayuhan, maghihintay ang ating mga kababayan sa mga gagawing pagbabago. Makatutulong na kaya ito sa pagbabago ng buhay ng ating mga kababayan, na ang nakararami’y patuloy pa rin sa pagiging mahirap, busabos at mga anak ng dalita?