BUHAY at tunay na masigla ang industriya ng horse-racing sa bansa.
Para sa taunang report ng Philippine Racing Commission (Philracom), umabot sa P7.3 bilyon ang kinita ng industriya sa taong 2017 sapat para makapag-remit ng P1.2 bilyon na buwis sa pamahalaan. Naitala ang P88 milyon na pagtaas o 7.56 porsiyento sa nairemit sa nakalipas na taon.
Ayon sa Philracom ang pagsigla ng industriya ay resulta sa mga pagbabago sa sistema at ipinatupad na programa batay sa pagiging miyembro ng International Federation of Horseracing Authorities (IFHA), na nakatuon ang misyon sa pagpapalawig ng mga regulasyon na makatutulong sa patas na labanan tulad ng rating-based handicapping system.
“The Philracom is very proud of this accomplishment as the commission not only arrested the dwindling horse-racing sales for the past three years, it also bettered last year’s revenues,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.
Sa record ng ahensiya, kumita ang industriya ng P7,378,571,897, mas mataas nang P159,830,562 sa kinita noong 2016 (P7,218,741,335). Sa binayarang buwis na 17 porsiyento, ang kabuuang kinita sa buwis ng pamahalaan ay
P1,254,357,222.49 o 7.56% na pagtaas (P88,208,096.55) kumpara sa kinita sa taong 2016 (P1,166,149,125.94).
“The boost in revenues is a product of the increase in our prizes and the implementation of a new rating-based handicapping system as a result of our recent membership with IFHA,” sambit ni Sanchez.
“Aficionados are now more confident to place their bets because they know the races are not only very competitive, they are conducted fair and square.”
Kumpiyansa si sanchez na malalagpasan hindi man mapantayan ng Philracom ang kinita mula sa nakalipas na taon, sa ilalatag na mga programa sa 2018.
Bilang panimula, ilalarga ang 2018 Philracom Commissioner’s Cup, pagbibigay pugay kay dating Philracom Commissioner at Executive Director Francisco Paulino V. Cayco. Nakatakda ang pakarera sa Linggo sa Saddle & Clubs Leisure Park sa Naic Cavite na may distansiyang 1,700 meters.
Kabilang sa paparada ang Bite My Dust ni Nicomedes Cruz, Electric Truth ni Leonardo Javier Jr., coupled entry na Eugene Onegin at Lakan na pagmamay-ari ni Banjamin C. Abalos Jr., Messi ni Narciso Morales, Salt and Pepper ni Herminio Esguerra at 2017 Triple Crown winner Sepfourteen mula sa SC Stockfarm.
May kabuuang P1.5 milyon ang nakatayang premyo, tampok ang P900,000 sa kampeon at P337,500 sa runner-up. Ang ikatlo at ikaapat na puesto ay may tatanggapin na P187,500 at P75,000, ayon sa pagkakasunod. May nakalaan ding P70,000 para sa breeder ng mananalong entry.
Nitong Setyembre, naisakatuparan ang pagpapatupad ng rating-based handicapping system batay sa IFHA standards sa pakikipagtulungan ni international expert Michael Wanklin.
Nakipagtambalan din ang Philracom nitong Abril sa Japanese Racing Association Facilities Co. LTD. na pinamumunuan ni Director Kazuhiro Youfu at JRA Facilities Co. LTD. na kinatawan ni Sadamichi Imabayashi para tulungan ang tatlong pangunahing racetracks sa bansa na maitaas ang kalidad ng pasilidad.
Nauna rito, nakipagtulungan din ang Philracom kay International racing consultant Ciaran Kennelly para pangasiwaan ang pagbalangkas sa bagong programa na isinusulong ng Philracom’s Racing Programme.