INAASAHAN ng ilan na dahil sa naging malaking balita ang malaking sunog sa Davao City noong Disyembre 23, 2017, sisiguruhin ng iba pang mga siyudad at bayan at shopping mall ang kanilang kahandaan laban sa sunog upang matiyak na hindi nila sasapitin ang kaparehong insidente. Subalit nitong Enero 5, 2018, isa pang malaking sunog ang sumiklab, sa Cebu City naman.
Sumiklab ang sunog sa Cebu bandang 9:00 ng gabi ng Biyernes sa imbakan ng mga laruan sa ikatlong palapag ng Metro Ayala Cebu. Nahirapan ang mga bombero na mapasok ang lugar dahil sa makapal na itim na usok sa ikatlong palapag.
Makalipas ang anim na oras, dakong 3:00 ng umaga, bumigay ang ikaapat na palapag. Nagpatuloy ang pagliliyab hanggang Linggo ng tanghali, kaya nagpasaklolo na ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa lahat ng kinatawan at nagpaayuda sa kagamitan ng BFP sa buong lalawigan — rumesponde ang nasa 50 fire truck at 180 bombero kasama na ang volunteers.
Masuwerte namang nagsimula ang sunog sa Cebu ilang oras bago magsara ang mall, kaya kaagad na nakalabas sa gusali ang lahat ng empleyado at ang ilang natitirang shoppers. Sa sunog sa Davao, nasa 36 na call center agent ng Survey Sampling International (SSI) at dalawang empleyado ng mall ang hindi nakalabas sa ikatlong palapag ng New City Commercial Mall (NCCM) hanggang tuluyang masawi sa gitna ng makapal at itim na usok.
Tulad ng patakaran, kaagad na sinimulan ang imbestigasyon sa dalawang sunog. Isang Inter-Agency Anti-Arson Task Force sa Davao ang nakatutok ngayon sa mga paglabag sa Fire Safety Code. Inirekomenda nito ang pagsibak sa limang opisyal ng Davao BFP na pumirma sa mga fire certificate ng SSI at NCCM. Pinaniniwalaang short circuit ang dahilan ng sunog nang masira ng matutulis na turnilyo at pako ang insulation ng mga kable ng kuryente.
Marami nang sunog ang nangyari sa ganitong mga panahon. Ang karamihan ay dulot ng problema sa koneksiyon ng kuryente sa panahong mas madalas ang paggamit sa kuryente sa mga tahanan, pampublikong lugar, at mga negosyo dahil sa holiday season. Marami ring sunog ang naitatala sa pagsisimula ng taon.
Isa pa itong dahilan para magsagawa ang mga awtoridad sa lahat ng sulok sa bansa ng mga espesyal na pagsusuri sa mga lugar na posibleng delikado sa sunog — gaya ng mga mall, call center, gimikan — kung saan labis ang paggamit sa linya ng kuryente at maraming tao ang nagtitipun-tipon.
Isang trahedya ang Davao at malinaw naman na babala ang nangyari sa Cebu. Bago pa magkaroon ng panibagong trahedya ng sunog, marapat na gawin natin ang lahat ng hakbangin upang maiwasan ito.