Nina GENALYN KABILING at BETH CAMIA

Isang chairman ng government-owned and controlled corporation (GOCC), tatlong heneral ng Philippine National Police (PNP), at aabot sa 70 pulis ang susunod na tatanggalin sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte “maybe this week” dahil sa kurapsiyon.

Ito ang pahayag mismo ng Pangulo sa closed-door meeting ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa Manila Hotel nitong Huwebes ng gabi.

“I am not a saint. I have also my faults in life. But corruption is a money has never been really an issue even to myself. I am in the thick of firing people,” sinabi ng Pangulo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“I am firing another chairman of an entity in government maybe this week and another set of mga policemen,” saad sa speech ng Presidente na inilabas ng Malacañang kahapon. “I intend to fire another maybe 70 or 49 policemen and three generals for corruption in the next few days.”

Muling binigyang-diin ng Pangulo ang paninindigan niyang alisin ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno at sinabing “this is really a purging regime.”

Ilang opisyal na ang sinibak ng Pangulo dahil sa madalas at magastos na pagbibiyahe at pagkakasangkot sa iba pang anomalya. Ang huling inalis niya sa puwesto ay si Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Amaro III, na 24 na beses na bumiyahe sa labas ng bansa sa nakalipas na dalawang taon.

Inihayag naman ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Bukidnon na kakausapin pa niya si Pangulong Duterte para makakuha ng clearance na magsagawa ng pahayag tungkol sa panibagong sibakan.

Sinabi rin ni Roque na mga lokal na opisyal ang susunod na pupuntiryahin ng Pangulo sa kampanya nito kontra kurapsiyon.

“The President stated that he will continue with the process of cleansing the bureaucracy,” sinabi kamakailan ni Roque. “He will now turn more of his attention to local government units including the Autonomous Region in Muslim Mindanao.”