Ni Gilbert Espeña

TIYAK na papasok sa world rankings si Romero Duno ng Pilipinas kung magwawagi sa kanyang susunod na laban kay Mexican Yardley Suarez sa Enero 27 sa The Forum, Inglewood, California.

Magsisilbing undercard ang sagupaan nina Duno at Suarez sa paghamon ng isa ring Pilipino na si Mercitor Gesta kay WBA at Ring Magazine lightweight champion Jorge Linares ng Venezuela.

Ayon sa promoter ni Duno na si Jim Claude Manangquil ng Sanman Promotions, tiyak na pukpukan ang 8-round na sagupaang Duno at Suarez dahil handang makipagbasagan ng mukha ang Mexican samantalang kilalang slugger ang knockout artist na Pilipino.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Huling lumaban si Duno noong nakaraang Setyembre nang daigin sa puntos ang beteranong si Juan Pablo Sanchez ng Mexico rin na umiwas makipagpukpukan sa 22-anyos na Pilipino.

“I think this is a perfect opponent for Duno,” sabi ni Manangquil. “Duno likes an opponent that fights. His last opponent was awkward and tough but we liked that ‘cause it gave experience that he needed.”

Kasalukuyang nagsasanay si Duno sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California sa ilalim ni dating WBC light flyweight champion Rodel Mayol.

“Our ultimate goal is to fight for a world title. If Linares has a world title, why not?” sambit ni Manangquil. “Or whoever is champion at 135.”

May rekord si Duno na 15 panalo, 1 talo na may 13 knockouts at sumikat nang patulugin sa 2nd round ang dating walang talo na si Christian “Chimpa” Gonzalez ng Golden Boy Promotions.