CHIARA copy

MULING nagdala ng karangalan ang ABS-CBN News broadcast journalist na si Chiara Zambrano sa Kapamilya Network pagkatapos parangalan ng Junior Chamber International (JCI) Philippines bilang isa sa The Outstanding Young Men (TOYM) sa Pilipinas nitong nakaraang taon.

Si Chiara, na nag-aaral ngayon sa United Kingdom bilang scholar ng British Chevening, ay pinarangalan para sa kanyang mga nagawa sa larangan ng pamamahayag at komunikasyon. Kabilang dito ang dokumentaryong ‘Di Ka Pasisiil tungkol sa labanan sa Marawi na siya ang ipinadala para kumober noong nakaraang taon, at ang Spratlys, Mga Isla ng Kalayaan, isa pang dokumentaryo ng ABS-CBN News.

Sa panayam sa kanya ni TJ Manotoc sa Early Edition sa ANC, inihayag ni Chiara ang pagmamahal sa paggawa ng dokumentaryo.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Mayroong bagay sa mga dokumentaryo na talagang napapasaya ako kapag gumagawa ako nito. Iba rin naman ang nakukuhang fulfillment sa pagbabalita. Nasa kagustuhan mo talaga iyon. Kaya nagdesisyon akong magpahinga sa mga kaguluhan at bumalik sa aking first love. Narito ako ngayon at nag-aaral kung paano gumawa ng mas mahusay na dokumentaryo,” sabi niya.

Tumanggap ng mga papuri si Chiara noong nakaraang taon sa kanyang matapang na pagkober sa giyera sa Marawi.

Bago pa man naging ABS-CBN News reporter ay naging bahagi muna si Chiara ng investigative program na The Correspondents na nakilala sa matatapang at magagandang dokumentaryo.

Nagpapasalamat siya na napagsasabay niya ang pagbabalita at paggawa ng dokumentaryo.

“Mabubuti ang ating mga boss at nagtitiwala sila sa akin. Binigyan nila ako ng pagkakataong gawin pareho. Madalas nagbabalita ako pero nakakahanap ako ng panahong gumawa ng mga dokumentaryo tulad ng ‘Di Ka Pasisiil tungkol sa Marawi kasama si Jeff Canoy at iyong tungkol sa Spratlys documentary,” aniya.

Bago si Chiara, tumanggap din ng TOYM award si Karen Davila noong 2009. Kasama niyang ginawaran para sa 2017 TOYM sina P/Supt. Byron F. Allatog, Government Service at Law Enforcement; Cirilo Joseph Javier, Arts at Music; Eugenio P. Mende, Veterinary Medicine; Ronaldo C. Reyes, Education; Jason Roy T. Sibug, Community Development; Mark Anthony J. Torres, Government Service Education; at Hidilyn F. Diaz, Sports.

Ipinagkakaloob ang TOYM award ng Junior Chamber International (JCI) Philippines sa mga indibidwal na nagpakita ng namumukod-tanging pamumuno o kahusayan at ambag sa sangkatauhan sa kanilang larangan.