Ni Jun Fabon

Inaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang drug trafficker na responsable sa pagbebenta ng party drugs sa condominium sa Metro Manila, iniulat kahapon ng ahensiya.

Sa report ni PDEA Director General Aaron N. Aquino, kinilala ang suspek na si Lester P. Almalbez, 35, nakatira sa Unit 410 Princeville Condo, Mandaluyong City.

Inaresto rin si Herald Peñaflor, 26, isa ring drug supplier.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Una rito, minanmanan ng mga elemento ng PDEA ang ilegal na aktibidad nina Almalbez at Peñaflor.

Matapos makumpirmang retailer at supplier ng ilegal na droga ang dalawa, agad ikinasa ang buy-bust operation sa naturang condominium, dakong 9:30 ng gabi kamakalawa.

Nasamsam sa mga suspek ang liquid ecstasy na inilagay sa 20 bote ng energy drink, at 1.6 liters ng liquid ecstasy, na nagkakahalaga ng P480,000; 70 piraso ng ecstasy tablet, P46,000; at anim na pakete ng cocaine, P140,000.

Napag-alaman na aabot sa P666,000 ang kabuuang halaga ng drogang nasamsam mula sa mga suspek.

“We cannot discount the possibility that a new variety of ecstasy which is blended with cocaine is doing the rounds in bars and clubs. You could imagine its potency compared to the other mainstream drugs,” ayon sa opisyal.

Kasalukuyang nakakulong sina Almalbez at Peñaflor sa PDEA headquarters sa Quezon City at nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.