Ni Mary Ann Santiago

Hindi tanggap ni San Juan City Mayor Guia Gomez ang napipintong recall election sa lungsod, dahil sa paniwalang hindi nito kinakatawan ang kagustuhan ng mamamayan ng siyudad.

Sa pulong balitaan kahapon ng tanghali sa kanyang tahanan, nanindigan si Gomez na bababa lamang siya sa puwesto pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2019.

Ayon kay Gomez, hindi niya tatanggapin ang naturang recall election na inihain laban sa kanya ng mga tagasuporta ni dating San Juan Vice Mayor Francis Zamora, at inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec), dahil paano umano mawawalan ng tiwala sa kanya ang kanyang constituents gayong napakarami niyang proyekto at dalawang magkasunod na taon (2016 at 2017) pa nakatanggap ng Seal of Good Governance award mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang San Juan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tiniyak din ni Gomez na iaapela nila ang naturang desisyon ng poll body sa legal na paraan at naaayon sa tamang proseso.

“I will not accept this recall and will allow my lawyers to challenge it legally and according to the right process,” ani Gomez. “The recall petition castrated by Francis Zamora, is not the true will of the people of San Juan. It is the project of their machinations. I will not allow myself to fall in his ill motives.”

Pinayuhan din ni Gomez si Zamora na maghintay na lamang na matapos ang kanyang panunungkulan dahil hindi na siya muling tatakbo sa susunod na eleksiyon, dahil ito na ang kanyang ikatlo at huling termino bilang alkalde ng San Juan.

“I will step down as mayor of San Juan in June 30, 2019 as I finish my term in 18-months. Ewan ko ba kung bakit di pa siya (Zamora) makapaghintay,” aniya pa.

Pinabulaanan din ni Gomez ang akusasyon ni Zamora na nagtatago siya at hindi pumapasok sa kanyang opisina upang iwasang matanggap ang notice of sufficiency ng Comelec kaugnay ng recall election.

Gayunman, aminado ang alkalde na wala siyang planong tanggapin ang naturang notice of sufficiency, dahil kailangan muna niya itong ikonsulta sa kanyang abogado.