Ni Celo Lagmay
MATAGAL na nating ipinaramdam sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon, lalo na sa mga mambabatas, ang mahigpit na pangangailangan hinggil sa konstruksiyon ng maayos at malilinis na mga rest rooms sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
Katunayan, ang naturang isyu ay minsan nang binigyang-diin sa isang media forum na dinaluhan ng pamunuan ng Department of Tourism (DoT) at ng ilang mambabatas; lahat ay naniniwala na ang implementasyon ng naturang proyekto ay makatutulong nang malaki sa paglago ng ating turismo.
Hindi dapat panghinayangan ng DoT ang pagpapatayo ng gayong malilinis na pasilidad sa mga estratehikong lugar sa bansa, lalo na sa mga lugar na dinadayo ng ating mga kababayan at dayuhang turista. Paano tayo masisiyahan sa paggamit ng halos giba-giba at maruruming comfort rooms, kung tayo ay naaalibadbaran dahil sa masangsang na amoy? Mabuti na lamang at si Malabon Rep. Federico Sandoval ay naghain ng isang panukalang-batas upang matugunan ang naturang problema.
Totoo na dapat rin nating ikatuwa ang naglipanang mga rest rooms na ipinatayo ng mga may-ari ng iba’t ibang gasoline stations. Bagamat manaka-naka nating napapansin ang ilang hindi kanais-nais na mga pasilidad, higit na nakararami naman sa mga ito ang dapat hangaan sa kalinisan, kagandahan at kabanguhan.
Isa pang kahawig na panukalang-batas na isinulong naman ni Mountain Province Rep. Maximo Dalog, hinggil sa pagpataw ng parusa sa mga kompanya ng bus at iba pang sasakyan na sumisingil ng kaukulang halaga sa mga pasahero na gumagamit ng comfort room sa mga terminal at stations. Ibig sabihin, papatawan ng malaking multa ang mga naturang kompanya na magsasamantala sa mga pasahero.
Maaaring totoo na ang nakokolektang toilet fees ay gagamitin ng naturang mga kompanya sa pagpapanatili ng maayos at malinis na mga rest rooms; kailangan din naman ang tubig o running water upang maiwasan ang hindi kanais-nais na alingasaw na maaaring magdulot ng sakit sa mga pasahero.
Ngunit may karapatan din naman ang mga pasahero na gumamit ng maayos at malinis na mga palikuran. Dapat isaisip ng naturang mga kompanya na ang kanilang hangaring kumita sa negosyo ay may kaakibat na pananagutan na maglaan ng sapat na pasilidad para sa kaluwagan ng kanilang mga pasahero. Hindi dapat pagbayarin ang mga pasahero sa paggamit ng mga ito.
Natitiyak ko na ikatutuwa ng marami ang pagsusulong ng mga naturang bill. Lalong matutuwa ang lahat kung tututukan ng nasabing mga Kongresista ang pagsasabatas ng mga panukala.