LUBOS nating ikinatutuwa ang maraming senyales ng kapayapaan sa Korean Peninsula, na binigyang-diin ng kasunduan sa pagitan ng North at South Korea na magdaos ng opisyal na negosasyon — ang una sa nakalipas na dalawang taon — sa Panmunjom, ang truce village sa hangganan ng dalawang Korea.
Idinahilan sa pag-uusap ang idaraos na Winter Olympics sa Pyeongchang, South Korea sa Pebrero 9-25. Nais ng North na magpadala ng mga delegado nito sa Olympics at kaagad na pumayag ang South, sinabing higit nitong paiigtingin ang isinusulong ng Games na “peace Olympics.”
Iminungkahi ng South na talakayin din sa pag-uusap ang usaping malapit sa puso ng maraming South Korean — ang muling pagsasama-sama ng mga pamilyang napaghiwalay sa pagtatapos ng digmaan noong 1953. Nasa 60,000 matatandang South Korean ang umaasang makikita muli ang kani-kanilang mga kamag-anak — marahil sa huling pagkakataon — at hiniling sa kanilang pamahalaan na banggitin ang usaping ito sa isasagawang pag-uusap.
Buong kasiyahan ding tinanggap ng Amerika, ang pangunahing kaalyado ng South Korea sa 1950-53 Korean War at sa kasalukuyang palitan ng banta ng North at Amerika, ang balita. Sinabi ni United States President Donald Trump na maaaring makibahagi ang Washington sa talakayan sa huling bahagi nito.
Nagkasundo rin ang Amerika at South Korea na ipagpaliban ang kanilang taunang joint military exercises hanggang sa matapos ang Winter Olympics. Ito marahil ang pangunahing usapin na nasa likod ng pagpayag ng North na makipagnegosasyon sa South.
Sa kabila ng mga banta ni Trump ng “fire and fury” ang serye ng economic sanctions na ipinataw ng United Nations, hindi kailanman umurong si Kim Jong Un ng North Korea sa kanyang mga nuclear at missile tests, at hayagan pang nagbabala sa Amerika na ang mga missile ng kanyang bansa ay maaari nang umabot sa alinmang siyudad sa Amerika.
Paulit-ulit din siyang nanawagan sa Amerika na tigilan na ang military exercises nito, na itinuturing niyang panimula sa isang pagsalakay.
Ang mga bansa sa bahagi nating ito ng mundo — partikular ang Japan at China—ay tiyak nang natutuwa sa umuusad na inisyatibong pangkapayapaang ito. May kalayuan ang Pilipinas sa North Korea subalit minsan nang bumagsak malapit sa Batanes ang isa sa mga missile na pinakawalan nito, isang indikasyon na siguradong madadamay tayo sakaling sumiklab ang nuclear missile war. Hindi natin dapat na kalimutan na noong Korean War of 1950-53, isa ang Pilipinas sa mga bansang kasapi ng UN na nagpadala ng tropa nito laban sa North Korea.
Nagwakas ang digmaan sa isang tigil-putukan, at hindi sa bisa ng tratadong pangkapayapaan. Nangangahulugan itong nagpapatuloy pa rin ang digmaan sa pagitan ng dalawang Korea — at sa pinalawak na papel nito, sa pagitan din ng North at ng puwersang koalisyon ng UN na kinabibilangan ng Pilipinas.
Inaasahan ngayon na ang isasagawang usapang pangkapayapaan, na pangunahing paksa ang Winter Olympics, ay magbibigay-daan sa iba pang mga usapin na patuloy na naghihiwalay sa magkaaway sa ilang dekada nang digmaan. Kapwa makikinabang at paglalapitin ang dalawang Korea ng isang tratadong pangkapayapaan. Papawiin din nito ang pangamba ng mga kalapit na bansa tulad ng Japan, China, at Pilipinas kaugnay ng bantang nukleyar na ipinagyayabang ng North Korea.