Ni Ric Valmonte

NAKATAKDA nang talakayin sa Senado ang pagbabalik ng parusang kamatayan dahil inalis ito sa Saligang Batas ng 1987.

Nilikha ang Saligang Batas na ito ng Constitutional Commission (Con-com), na binubuo ng mga commissioner na hinirang ni dating Pangulong Cory. Ipinagkatiwala ng taumbayan sa dating Pangulo ang pagbuo ng Concom dahil siya ang napili nilang mamuno sa bansa makaraan nilang mapatalsik si dating Pangulong Marcos. Umasa silang dala ni dating Pangulong Cory ang kanilang nagkakaisang layunin at damdamin para sa tunay na pagbabago. Ang masidhing hangarin para sa pagbabagong ito ay bunsod ng kahirapan at kaapihan na kanilang dinanas sa loob ng 14 taong pamamahala sa bansa ni dating Pangulong Marcos, gamit ang kamay na bakal.

Kaya, ang Saligang Batas na ito ay nakasulat sa dugo ng sambayanan. Isinaalang-alang sa paglikha nito ang napakadilim na pinagdaanan ng bansa na binaha ng dugo at luha. Ayaw ng sambayanan na ito ay magbalik at maulit. May pumuna sa nabuong Saligang Batas na masyadong mahaba at madetalyado. Pero, pinili ng mga commissioner na ganito ang maging uri nito sa hangarin nilang masakop ang lahat ng paksa na may kaukulang remedyo. Ang layunin ay matakpan ang mga batas na pwedeng gamitin ulit ng mga ganid sa kapangyarihan, at magamit ang gobyerno para sa kanilang kapakanan. Kaya, umiikot ang mga probisyon ng Saligang Batas sa mga batayang prinsipyo na transparency at accountability. At magamit ng taumbayan ang gobyerno bilang instrumento na magsusulong sa kanilang kapakanan at epektibong maikalat ang kayamanan ng bansa sa lahat.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kaya, ibinabalik na naman ang death penalty dahil hindi ipinatupad ang lahat na mga probisyon ng Saligang Batas na siyang batayan kung bakit inalis ito. Ang mga probisyon na ang layunin ay gibain ang kahirapan at pagandahin ang buhay ng bawat mamamayan ay hindi pinairal. Industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa ang pinigil ng mga taong pinagkalooban ng sambayanan ng kanilang kapangyarihan upang ipatupad ang mga ito nang lubusan. May batas nga tayo tungkol sa reporma sa lupa pero peke. Hindi mo magagamit nang lubusan ang lupa na magpapaunlad sa bansa at magpapagaan sa buhay ng mamamayan kung walang kaukulang suporta ang gobyerno. Nagpapamahagi nga ang gobyerno ng lupa, pero napakabagal naman, malawak ang inalis sa sakop ng batas, at ipit ang suportang ibinibigay sa mga magsasaka.

Walang industriyang nagbibigay ng maramihang trabaho, tulad ng textile at steel, ang naitatag ng gobyerno. Ang tanging industriyang pinalago at inalagaan ng mga nasa gobyerno ay hueteng at droga.

Ang China na napakalaking bansa na binubuo ng malalaking isla ay hindi nagfederal. Nais kasi nitong mapanatili ang kontrol ng gobyerno sa mga ito. Pero, ang Pilipinas na binubuo ng maliliit na isla at mamamayan na may ibat’ibang lenggwahe at paguugali ay nais gawin ito. Napakadaling wasakin ng bansa at kontrolin ng mga dayuhan. Napakagaganda na ng kasalukuyang Saligang Batas, hindi na ito kailangang baguhin. Nakabalangkas ito para magapi ang kahirapan at mapag-isa ang Pilipino tulad ng kanilang pagkakaisang ginawa nang pinalya nila ang bansa sa kamay ng diktadura. Isyu lang ito ng makabayang pagpapairal.