Ni Genalyn D. Kabiling

Walang plano ang Malacañang na pigilan si bagong talagang Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño sa paghahanap ng listahan ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga sa lahat ng barangay.

Sumang-ayon si Presidential Spokesman Harry Roque na ginagawa lamang ni Diño ang trabaho nito ngunit pinaalalahanan ang DILG na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon hinggil sa pagpapatunay sa mga alegasyon sa droga laban sa mga tutukuying indibiduwal.

“Is there anything wrong in asking for a list? There is absolutely nothing wrong for as long as it will entail conduct of an investigation to verify the information,” sinabi ni Roque sa news conference sa Palasyo. “It’s just a request to come up with names so they could conduct investigations. It always begins with an investigation.”

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Iginiit ni Roque na may karapatan ang publiko sa malaman kung sinu-sino sa kanilang komunidad ang sangkot sa bentahan ng ilegal na droga.

“What’s wrong with that? Because people should know by way of general reputation who are involved in drugs. I think communities know but it’s not enough for anything, you have to investigate on the basis of these leads,” aniya.

Sa pangambang ilang opisyal ng barangay na mismong sangkot sa droga ang magsusumite sa DILG ng nasabing listahan, sinabi ni Roque na dapat alamin ni Diño ang iba pang detalye hinggil dito at silipin ang “databank” ng gobyerno kaugnay ng mga opisyal na hinihinalang sangkot sa kalakalan ng droga.

Kapag may kinalaman ang mga opisyal sa ilegal na droga, aniya, kailangang sampahan ang mga ito ng administrative at criminal cases.

Una ng sinabi ni Diño, dating chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), na hihilingin niya sa mga opisyal ng barangay na magsumite ng listahan ng mga drug personality sa kani-kanilang lugar, at parurusahan ang mga hindi tatalima sa kanyang direktiba.