Ni Johnny Dayang
Isang nagdudumilat na katotohanan ngayon ang Climate Change. Maraming bansa sa mundo ang malimit na hinahagupit ng lalong nagiging malupit na unos ng panahon. Sa unang araw nitong 2018, binugbog ang ilang bahagi ng Mindanao ni Bagyong Agaton na halos kasunod ng mga Bagyong Urduja at Vinta, na nanalasa din sa Kabisayaan at Mindanao noong Disyembre na nagdulot ng mga baha at pagguho ng lupa. Kasama ng kaguluhang naganap sa Marawi, nag-iwan ito ng daan-daang patay, libu-libong bakwit at nasalantang mga pananim, ari-arian at imprastraktura na bilyun-bilyong piso ang halaga.
Magandang balita na diumano’y uunahin ng Kongreso ang House Bill 6075 na naglalayong lumikha ng isang Department of Disaster Resilience (DRR), at maaaring bigyang-diin ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng naturang bill sa kanyang susunod na SONA. May 22 matinding bagyo, bukod sa mga kalamidad na likha ng tao, ang gumapi sa bansa noong 2017.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, isang kilalang ekonomista at disaster resilience advocate, at may-akda ng HB 6075, ang DRR ay may mahusay na istruktura, maliwag na mandato at sapat na kakayahan upang pangasiwaan ang isang malawakang “climate-disaster program of governance.”
Binigyang diin ni Salceda na kailangan ang isang ‘super government agency’ na tutugon sa lumilimit at nagiging higit na malupit na mga kalamidad, at makatulong din upang maisulong ang makabuluhang pag-unlad ng bansa.
Sadyang kailangan natin ang lalong mahusay at mabisang mga paraan at programa sa paghadlang, pagpapagaan, kahandaan at tugon sa mga kalamidad at pagbangon sa pagkakalugmok mula sa pananalasa ng mga unos, kaya dapat gawing pangunahing adyenda ng Kongreso ang paglikha ng DRR.
Pangatlo ang Pilipinas sa 171 mga bansang itinuturing na “most exposed and vulnerable to natural calamities,” at ika-13 sa Climate Change Vulnerability Index.
Sadyang gusto ng mga Pinoy ang matibay na mga lider tulad ni Pangulong Duterte na kayang makipagbunuan sa pesteng mga sakit ng lipunan tulad ng kurapsiyon at droga, kaya nananatili siyang popular.
Isang masugid na grupong sumusuporta sa Pangulo ang Solid Duterte Supporters Group (SDSG) na nagpasinaya kamakailan ng kanilang Cordillera Autonomous Region (CAR) at Nueva Ecija chapters. Magkatuwang itong pinangasiwaan nina Games and Amusement Board Commissioner Mar Masanguid, SDSG Founding Chairman at Secretary General Greg Conde. Maraming organisadong chapter ang SDSG sa buong bansa.
Sina CAR BIR Regional Director Douglas Rufin ang chairman at Gilbert Mojica ang vice-chairman ng CAR chapter. Sina Ramoncito Tombo at Jose Ariel Domingo naman ang namumuno ng Nueva Ecija chapter.