Ni Charina Clarisse L. Echaluce

Inamin kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na Dengue Shock Syndrome ang ikinamatay ng karamihan sa 14 na estudyanteng nabakunahan ng Dengvaxia, ngunit nilinaw na ang pagkamatay ng mga ito ay hindi pa rin maaaring iugnay sa dengue vaccine.

Sa press conference sa Parang Elementary School sa Marikina City, kung saan isinagawa ang ceremonial dengue vaccination noong Abril 2016, sinabi ni Duque na base sa clinical charts at clinical records, karamihan sa 14 na namatay ay dumanas ng Dengue Shock Syndrome.

“Sa ngayon, PAO [Public Attorney’s Office] muna ang nag-e-exhume ng katawan ng mga namatay ng mga pumanaw dahilan sa Dengue Shock Syndrome…. Ito naman ay malinaw sa mga clinical charts at clinical records na talaga namang Dengue Shock Syndrome ang kanilang ikinamatay,” aniya.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Ang Dengue Shock Syndrome, ito po ang Grade Four classification, according to the World Health Organization, na kinikilala sa buong mundo. Number one, mayro’n pong severe plasma leakage, ito po iyong parte ng dugo na nauunang lumabas mula sa blood vessels. Susunod po nito, mismong dugo na ang mawawala, severe massive bleeding. Tapos naaapektuhan po ang utak, nagkakaroon po ng pagdurugo riyan. Nagkakaroon po ng pulmonya sa respiratory, sa lungs, nagkakaroon ng maraming tubig na naiipon sa kanyang pulmon. Iyong puso, inflammation of heart. Mayro’n din po naaapektuhan ang atay, lumulobo po ang atay at mayroon din pong hemorrhage doon. Iyon pong bato or kidneys ay naapektuhan din po at hindi na nakakaihi. Iyon pong mga iba’t ibang organs ay naaapektuhan, multi-organ involvement.

Siyempre kapag nawala ang dugo, pumapanaw ang isang may Dengue Shock Syndrome,” paliwanag niya.

Nobyembre 29, 2017, inanunsiyo ng Sanofi Pasteur ang “new finding” sa bakunang Dengvaxia, na ginamit sa mass immunization program, sa 830,000 bata.

“The analysis confirmed that Dengvaxia provides persistent protective benefit against dengue fever in those who had prior infection.... For those not previously infected by dengue virus, however, the analysis found that in the longer term, more cases of severe disease could occur following vaccination upon a subsequent dengue infection,” pahayag ng Sanofi.

Ang 14 na namatay ay kabilang sa vaccination drive ng pamahalaan, na nagsimula noong Abril 2016 at ipinahinto noong Disyembre 2017.

Sa kabilang dako, nilinaw kahapon ni Duque na ang pagkamatay ng mga ito ay hindi pa maaaring iugnay sa Dengvaxia.

“Hindi natin kayang sagutin iyan sa kasalukuyan kasi patuloy na pinag-aaral po ito ng mga dalubhasa,” sabi niya.