SIMULA ngayon hanggang sa Enero 15, dapat na masusing subaybayan ng mga mamimili ang presyo ng iba’t ibang bilihin, gaya ng matatamis na inumin, gatas, tinapay, at sabon — na karaniwan nang mabibili sa mga palengke at grocery stores.
Bagamat pinagtibay na ng Kongreso ang batas na nagtataas sa iba’t ibang buwis — ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act — dapat na makaapekto lamang sa merkado ang mga dagdag-buwis na ito kapag naubos na ang kasalukuyang imbak na produkto.
Inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na sasapat ang mga imbak na produkto sa Enero 15, hanggang sa Enero 21. Hiniling ng DTI sa mga mamimili na tulungan ang mga government price inspector. At kahit sumapit na ang Enero 15, ayon sa DTI, hindi dapat na magdulot ng malaking pagbabago sa presyo ang mga bagong buwis. Ibinigay na halimbawa ng DTI ang 145-litrong softdrinks na mabibili ngayon ng P45, sinabing hindi dapat na humigit sa P9 ang dagdag-presyo rito, o P54. Ang powdered milk, na mabibili ngayon ng P50, at dapat ng presyuhan lamang ng P50.10.
Ang lahat ng taas-presyong ito ay bahagi ng TRAIN Act na naging epektibo nitong Enero 1, 2018. Ang exemption sa buwis ng mga sumusuweldo ng minimum at mid-level (hanggang sa P21,000 kada buwan) ay bahagi ng “reform” ng nasabing batas.
Dahil ang lahat ng exemption na ito ay magreresulta sa mas mababang koleksiyon ng buwis — aabot sa P200 bilyon ang mawawala sa kaban ng bayan — lilikom ang gobyerno ng buwis sa mga bagong sasakyan, sa petrolyo, sa matatamis na inumin bilang pagbibigay na rin ng proteksiyong pangkalusugan, at sa coal upang makibahagi sa pandaigdigang pagsisikap na maibsan ang pagtaas ng temperatura sa mundo na nagpapalala naman sa climate change.
Sa buong unang taon ng pagpapatupad nito, habang kinokolekta ang karagdagang buwis, karamihan sa malilikom na pondo ay gugugulin sa mga proyektong imprastruktura, sa agrikultura, at sa iba pang programang pang-ekonomiya na magpapasigla pa sa pambansang ekonomiya. Kalaunan, dapat na mapabuti nito ang buhay ng mamamayan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas marami at mas magagandang trabaho, pinag-ibayong serbisyo ng pamahalaan, at magkakaloob ng ayuda sa mga programa para sa mahihirap.
Subalit ang lahat ng ito ay sa hinaharap pa mangyayari. Ngayon, kinakailangan nating pagtiisan ang kabi-kabilang taas-presyo na nakaaapekto sa mga Pinoy, at may pinakamatinding epekto sa mahihirap. Layunin ng babala ng DTI laban sa agarang pagtataas sa presyo na mapigilan ang pagsasamantala ng mga negosyante.
Dapat nating pagtiisan ang mga taas-presyong ito at umasang sa lalong madaling panahon ay magbubunga ang kaunlarang pang-ekonomiya na isinusulong ng TRAIN Act sa pagkakaroon ng isang matatag na bansa at mas maayos na buhay para sa lahat.