Ni Lyka Manalo

LIPA CITY, Batangas - Patuloy na nireresolba ng lokal na pamahalaan ng Lipa City ang pagkolekta sa bultu-bultong basurang nakatambak sa kalsada simula pa noong Pasko.

Ayon kay Mayor Meynard Sabili, mula sa regular na 10 truck na humahakot ng basura kada araw, nagdagdag pa sila ng 20 truck.

Oobligahin din ni Sabili ang mga opisyal ng barangay na ipatupad ang mga ordinansa sa waste segregation at proper waste disposal, upang maiwasan ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

“I will summon all the barangay officials to cooperate para maiwasan ang pagtambak ng basura kung saan-saan, lalo na ‘yung highway, huwag naman nila gawing pick-up point,” sabi ng alkalde.

Umapela din si Sabili sa mga residente na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura, at ilagay sa selyadong plastic o itali ang mga sako ng basura upang hindi maikalat ng mga ligaw na hayop at tirahan ng mga langaw at iba pang insekto.

Aniya pa, nagtambak ang basura sa lungsod simula nitong Pasko, at inaasahang dadami pa ito dahil sa pista sa siyudad sa Enero 20.

Samantala, kasalukuyan nang ipinatutupad ang panukalang proyekto, ang pagkakaroon ng sanitary landfill, kung saan bibili ang pamahalaang lungsod ng limang ektaryang lupa sa Barangay Malitlit, at P200 milyon ang nakalaang pondo para rito.

“We have already discussed this matter with the DENR (Department of Environment and Natural Resources) to approve our project and I hope they can give me (permit) within this month or next month,” ani Sabili.

Bukod sa planong proyekto, 70% umano ng 72 barangay sa lungsod ang gumagamit na ng Material Recovery Facility (MRF) at patuloy na nagsasagawa ng lectures at seminars ang City Environment and Natural Resources (CENRO) tungkol sa tamang paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na basura.