Ni Celo Lagmay
MABUTI naman at inalis na ng Department of Education (DepEd) ang moratorium o pansamantalang pagbabawal sa mga field trips ng mga estudyante sa lahat ng pambayan at pribadong elementary at high schools. Nais kong maniwala na ang pamunuan ng naturang ahensiya ng gobyerno ay nagising sa katotohanan na ang nabanggit na off-campus activities ng mga mag-aaral ay lubhang kailangan sa pagpapalawak ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang makatuturang mga asignatura.
Maliwanag ang DepEd Order na nilagdaan ni Secretary Leonor Briones: Moratorium on Educational Field Trips and Other Similar Activities has been lifted upon the effectivity of guidelines on the conduct of co-curricular and extra-curricular off-campus activities for both public and private schools nationwide. Ang naturang mga guidelines o patnubay ay iniutos bilang suporta sa K to 12 curriculum implementation.
Ang mahigpit na pagpapatupad ng moratorium ay magugunitang bunsod ng malagim na insidente sa Tanay, Rizal na ikinamatay ng maraming estudyante na kabilang sa educational trips sa nasabing bayan. Ang sinasakyan nilang bus ay bumangga sa isang electric post at ito ay tuluyang nahulog sa malalim na bangin. Hindi ko nasundan kung hanggang saan na nakarating ang imbestigasyon sa nabanggit na trahedya.
Sumagi sa aking utak ang katulad na malagim na insidente na naganap sa Talim Island sa lalawigan ng Rizal maraming dekada na ang nakalilipas. Halos 20 kamag-aral ko sa isang unibersidad ang nagsagawa ng isang educational trip bilang bahagi ng tinatapos nilang medical courses. Sa kasamaang-palad, walang isa man sa kanila ang nakaligtas sa pagkalunod sa naturang isla.
Ang gayong mga off-campus activities ay napatunayang mahalaga sa ating pag-aaral. Ang nasasaksihan natin sa mga field trips ay kaiba sa ating natututuhan sa mga silid-aralan na pawang mga teorya lamang na tila produkto lang ng ating imahinasyon. Ang ganitong mga lakbay-aral ay hindi dapat ipagbawal.
Gayunman, naniniwala ako na marapat ang ibayo at mahigpit na implementasyon ng binigay na mga patnubay o guidelines.
Kabilang na rito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral; ligtas na pagbiyahe sa pamamagitan ng maayos na mga sasakyan at maingat na mga tsuper.
Higit sa lahat, marapat na ipatupad ang sapilitang travel insurance para sa mga kalahok sa field trips. Bagamat boluntaryo lamang ang paglahok sa gayong aktibidad, hindi dapat ipagwalang-bahala ang seguridad ng lahat.
Isang katotohanan na ang mga educational trips ay maituturing na laboratoryo ng karunungan.