Ni Reggee Bonoan
HUMAGALPAK ng tawa si Judy Ann Santos sa tanong sa kanila ni Angelica Panganiban kung naranasan na nilang magmahal o magnasa ng lalaki na kalaunan ay nabuking nilang bading pala.
Nangyari ito last Tuesday sa grand presscon ng pelikulang Ang Dalawang Mrs. Reyes sa Dolphy Theater, kasama sina JC de Vera, Carmi Martin, Nico Antonio at Joross Gamboa mula sa direksyon ni Jun Robles Lana produced ng Quantum Films, IdeaFirst Company at Star Cinema.
“Wala!” natawang sagot ni Juday. “Wala, wala at all!” Pero biglang kumambyo ng, “Baka mas kami pa ang pinagnasaan.”
“Sa akin naman kapag may nagkakagusto, ang tanong sa akin kung babae ba ako o bakla?” sagot naman ni Angelica. “Kasi nga para akong bakla magmahal, may mga nagkakagusto sa akin kaso nao-off sila kasi bakla nga raw ako.”
“Ah, so ikaw ‘yung akala bakla?” balik-tanong ni Juday kay Angelica.
“Ikaw, ano naman?” patakang tanong ni Angel kay Budaday.
“Wala nga!”
“Bakit sila nagtatawanan?” tanong ni Angelica na sinagot ni Mrs. Agoncillo ng, “Ewan ko sa kanila, sige, kayo magsabi, ibabalik ko sa inyo ang tanong n’yo!”
Sakto ang tanong dahil sa istorya ng Ang Dalawang Mrs. Reyes ay hindi nila alam na bading ang pinakasalan nila, huli na nang nalaman nila – dahil malamig sa kanila ang kani-kaniyang asawa.
Hindi magkaanu-ano sina Joross at JC, nagkataon lang na pareho silang Mr. Reyes kaya naging Mrs. Reyes ang asawa nila.
Straight guy ang character ni JC na pilit niyang nilalabanan ang nararamdaman dahil nga may asawa na siya, si Angelica, pero biglang nabago nang makilala niya ang asawa ni Judy Ann na si Joross na bading na bading.
Inakala ng dalawang Mrs. Reyes na isa sa kanila ang kinahuhumalingan ng asawa nila kaya wala nang gana sa kanila, pero nabuking nila nu’ng sundan nila sa Taiwan ang mga mister nila na dumalo pala ng Gay Pride Festival.
Samantala, marami sa showbiz ang may pamilya kahit na gay sila kaya muling tinanong si Juday kung sa paniniwala niya na okay lang magmahal ng bading o paano kung nalaman niyang bading pala?
“Depende naman ‘yun kasi may matatagpuan o makikilala kang bading man na kapag nagmahal ay hindi mo na iisipin kung ano’ng gender niya kasi masyado ka niyang mahal, masyado ka niyang inaalagaan.
“’Yun naman ang importante, ‘yung may respeto. Pero kapag napunta na sa bastusan, bigla kang iiwan, nawala na ‘yung respeto doon na nagkakaroon ng problema. ’Pag nagmahal ng bakla o nagmahal ng tomboy, it doesn’t really matter kasi ang importante totoo ‘yung pagmamahal ninyo sa isa’t isa,” sagot ni Juday.
Sa tagal na ni Juday sa industriya, ngayon lang siya tumanggap ng karakter na tulad ng Mrs. Reyes.
“I was really looking for a material na with challenge, me to go out of my comfort zone kasi for the longest time I’ve been doing films na ‘yung umiiyak, alam na ng mga tao ‘yun. Kaya tsinalens ko ang sarili ko ng 2017, it should be something different na bago man lang ako mag-40, kailangan gumawa ako ng pelikulang hindi ko maiiisip na gagawin ko, ‘yung magdadalawang-isip akong tanggapin dahil masyadong maganda ‘yung material, kailangan kong oohan, ito ‘yun,” paliwanang ng aktres.
Pero habang nagda-dubbing na raw si Budaday ay, “Napaisip ako kasi, ginawa ko talaga ito na may anak na ako? May asawa na ako, ganu’n? Kasi ‘yung dapat na ginawa ko noong dalaga pa ako, ngayon ko siya ginawa, ganu’n kahusay ‘yung script.”
Kaya ang tanong ni Angelica sa kanya ay kung nagrerebelde ba siya ngayon.
“Hindi ko rin maintindihan, baka nagmi-midlife na ako, ha-ha! Ano kasi, masaya siya and the same thing, hindi mo talaga iisipin na, ‘hoy, mayroon palang ganu’n’. The story alone hindi siya bago, hindi pa lang siya nakikita ng mga tao. Tama si Direk Jun, nangyayari siya,” natawang sabi ng premyadong aktres.
Dahil sa magandang ang script ni Direk Jun, mas naunang tanggapin ni Judy Ann ang pelikula kumpara kay Angelica na siyam na pages pa lang ang nababasa ay umoo na dahil tawang-tawa na siya at mas lalo na nu’ng nalaman niyang tinanggap na ito ng taong bata pa lang siya ay idolo na niya.
Abangan ang Ang Dalawang Mrs. Reyes, palabas na sa Enero 17.