Ni Nitz Miralles
MAIINTINDIHAN kung bakit may dialogue si Angelica Panganiban as Cindy na, “Ako ang asawa ng inaasawa ng asawa mo” na sinagot ni Judy Ann Santos as Lianne ng, “Asawa ko ang umasawa sa asawa mo? Di ba p’wedeng asawa mo ang umasawa sa asawa ko?” kapag pinanood ang pelikula nilang Ang Dalawang Mrs. Reyes na showing na simula January 17.
Sa direction ni Jun Lana at panulat nila ni Elmer Gatchalian, isang nakakatuwa at nakakatawang pelikula ang handog ng Star Cinema, IdeaFirst Company at Quantum Films. Kasama rin sa masayang kombinasyon ng mga cast sina Carmi Martin at Nico Antonio at ang asawa nina Cindy at Lianne na tinutukoy na nagkaibigan ay sina Joross Gamboa at JC de Vera.
Sa presscon, ikinuwento ni Angelica na maging noong ini-explain pa lang sa kanya ang concept, naaliw na siya.
“Hiningi ko ang script at first nine pages pa lang, tumatawa na ako ng malakas. Last nangyari sa akin na tumawa ako sa script ay sa Here Comes the Bride, doon pa lang, alam kong masaya ang pelikula. Nang malaman kong si Judy Ann ang makakasama ko, tinanggap ko agad ang pelikula kahit hindi ko pa tapos basahin ang script.”
Ano ang reaction ni Angelica sa sinabi ni Judy Ann na natakot ito sa kanya dahil kilala siyang mahusay sa comedy?
“Hindi ko alam kasi... nakaka-flatter at nakaka-overwhelm. Bata pa lang ako dream ko nang makatrabaho siya. Nang una ko siyang makasama sa Sa Puso Ko Iingatan Ka (soap), hindi ako nagsasalita. Sobrang tahimik lang ako at nakikinig lang ako sa mga kuwento niya at tatawa.”
“Ngayon, starstruck pa rin ako sa kanya. Tinitingala ko pa rin siya. Pero kaya ko nang makipagkuwentuhan. I’m sure, ang daming naiinggit sa akin ngayon, ang daming gustong maglaslas na bakit hindi sila ang kasama ni Judy Ann, bakit hindi sila ang kaeksena, hindi sila ang kasama sa poster at katabi sa presscon,” sagot ni Angelica na ikinaaliw ng mga reporter.
Ang ganda rin ng sagot ni Angelica nang tanungin kung paano nag-level up ang friendship nila ni Judy Ann.
“Ayokong matapos ang movie namin. Grabe ang separation anxiety ko. Baka mapapadalas ako sa South nito at tumambay sa house nila. Matagal kasi namin ginawa ang movie na ito. I believe naka-build kami ng friendship na mas deeper at iti-treasure ko ito,” pagtatapos ni Angelica.