Ni BELLA GAMOTEA
Arestado ang tatlong Chinese matapos umanong dukutin at ikulong ang isang Taiwanese na umutang ng P100,000 sa kanilang financer nang matalo ang huli sa casino sa Parañaque City.
Iniharap kahapon sa media nina Southern Police District (SPD) Director, Chief Supt. Tomas Apolinario, Jr. at Parañaque City Police chief, Senior Supt. Leon Victor Rosete, ang mga naarestong suspek na sina Zhao Xu, 29; Cai Xing Bao, 29; at Tia Xao Lin, 30, pawang nanunuluyan sa Room 202 Baymont Suits and Residences, na matatagpuan sa Airport Road, Baclaran ng nasabing lungsod.
Sa ulat na ipinarating sa SPD, naganap ang pagdukot at pagkulong sa biktimang si Lat Yun-Chun, nasa hustong gulang, sa tinutuluyan ng mga suspek nitong Enero 8.
Sa inisyal na imbestigasyon, umutang ang Taiwanese ng P100,000 sa financer ng mga suspek matapos nitong matalo sa casino sa Parañaque City nitong Enero 7.
Nitong Enero 8, inutusan ng mga suspek ang biktima na magpunta sa kanilang tinutuluyan, at hindi na pinalabas at ilegal na ikinulong ang huli sa loob ng kuwarto.
Ayon sa Taiwanese, nakaranas siya ng pisikal na pang-aabuso mula sa isa sa mga suspek na si Zhao Xu, at pinatutubos siya sa kanyang pamilya at kaibigan ng halagang P100,000.
Bandang 1:00 ng hapon nitong Martes, Enero 9, nakatanggap ang Parañaque City Police ng text message mula sa isang Jerry Wang, mula sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO), na humihingi ng police assistance kaugnay ng umano’y illegal detention.
Agad nagkasa ng rescue operation ang mga pulis at nagtungo sa tinutuluyan ng mga suspek hanggang sa nasagip ang Taiwanese at inaresto ang tatlong Chinese.
Positibong itinuro ni Lat Yun-Chun ang tatlong suspek na nagkulong sa kanya sa kuwarto ng nasabing hotel.
Dinala ang biktima at ang mga suspek sa Ospital ng Parañaque para sa medical attention.
Nakakulong ngayon sa pulisya ang mga suspek at sumasailalim sa masusing imbestigasyon para sa posibleng paglabag sa serious illegal detention.