Ni Jun Ramirez at Mina Navarro

Nasa kabuuang 187 registered sex offenders (RSOs) o mga dayuhang nakulong dahil sa sex crimes sa kani-kanilang bansa ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) na makapasok sa bansa noong nakaraang taon.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi ni BI port operations division chief Marc Red Mariñas na ang bilang ng mga naharang na RSOs nitong 2017 ay mas mataas sa 144 sex felons na naaresto sa iba’t ibang paliparan noong 2016.

Ang RSOs ay iyong mga nakulong na sex offenders na tapos nang pagsilbihan ang sentensiya.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa United States at karamihan sa Western countries, pinananatili ng gobyerno ang sex offender registry na nag-uutos sa awtoridad na alamin ang aktibidad at galaw ng sex offenders.

Ayon kay Morente, naging matagumpay ang pagharang sa RSOs sa patuloy na kooperasyon ng BI sa iba’t ibang sangay nito sa ibang bansa.

“These aliens pose a serious and real threat to our Filipino women and children, anyone of whom could be their next victim if they manage to enter our country undetected,” ayon sa BI chief.

Iniulat din ni Mariñas na 90 porsiyento ng RSOs ay nagtangkang pumasok sa NAIA habang ang natira ay hinarang sa mga paliparan sa Mactan, Cebu at Clark, Pampanga.

Ayon pa kay Mariñas, pinakamaraming naharang na Amerikano na umabot sa 153; sinundan ng 19 na Australian; at 10 Briton, idinagdag na nasa 10-15 RSOs ang ibinalik sa mga paliparan kada buwan.