Huwag mawawalan ng pag-asa.

Ito, ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang aral ng taunang Traslacion para sa Poong Nazareno na dapat na itanim sa isipan ng mga deboto.

Sa midnight mass para sa pista ng Traslacion ng Poong Nazareno sa Quirino Grandstand, sinabi ni Tagle na ang ibig sabihin ng Traslacion ay paglilipat o paglalakbay.

Aniya, ang lahat ng tao ay naglalakbay, at sa naturang paglalakbay ay hindi tayo dapat panghinaan ng loob at sa halip ay laging isaisip na kasama natin ang Panginoon at hindi Niya tayo pababayaan.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“Traslacion. ibig sabihin ay paglilipat. Tayong lahat naglalakbay din. Marami sa atin naglalakbay din,” ani Tagle.

“Ang isang mensahe sa atin tuwing Traslacion ay huwag panghinaan ng loob, dahil kasama natin si Hesus sa mga Traslacion ng ating buhay.

“Tumingin tayo kay Hesus. Kumapit sa Kanya. Sa mga Traslacion natin sa buhay, sa pagkawala natin ng landas, si Hesus ang daan patungo sa Ama,” sabi ni Tagle.

Pinaalalahanan din ng cardinal ang mga mananampalataya na alalahanin ang mahihirap at ang mga biktima ng kalamidad.

“Huwag nating ihihiwalay sa ating mga sarili ang mga kapatid nating nagdurusa, nasalanta ng bagyo, mga kapatid sa Marawi na nagpapasan ng kanilang mga krus,” dagdag pa ng cardinal.

Una nang nagpahayag nang pag-asa ang Cardinal na sa pamamagitan ng debosyon sa Poong Nazareno ay higit pang lalalim ang ugnayan ng mga mananampalataya sa Panginoon.

Bukod kay Tagle, nanguna rin sa midnight mass si Minor Basilica of the Black Nazarene rector, Msgr. Hernando Coronel, at si Apostolic Nuncio Archbishop Gabriele Giordano Caccia.

Dumalo rin sa misa si Manila Mayor Joseph Estrada at mga anak niyang sina dating Senador Jinggoy Estrada at Jackie, sina Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa, at National Capital Regional Police Office Director Chief Supt. Oscar Albayalde.

Sa crowd estimate ng Manila Police District (MPD), hanggang 12:30 ng madaling araw kahapon ay umabot sa 245,000 ang dumalo sa midnight mass, at 20,000 sa mga ito ay nasa Parade ground, 50,000 ang nasa South Drive, 50,000 ang nasa Roxas Boulevard, 130,000 ang nasa Garden Green, at 5,000 sa Katigbak Drive.

Umabot naman sa 6,000 deboto ang nakinig ng banal na misa sa Quiapo Church. - Mary Ann Santiago