AMINADO si Sofia Andres na intimidated siya kay Sylvia Sanchez sa pictorial pa lang ng Mama’s Girl dahil nga marami siyang naririnig na masungit daw ang gaganap na mama niya sa pelikula.

DIEGO AT SOFIA
DIEGO AT SOFIA
“Honestly po, intimidated po ako, pero nu’ng nag-work na kami sa first day, sobrang gaan ng loob ko kay Tita (Sylvia) kasi talagang parang nanay ‘yung dating niya talaga, magaan. Saka hindi ako nahirapang mag-connect kay Tita Sylvia. Inaalalayan niya ako sa mga eksena,” kuwento ng dalaga.

Nabanggit din ni Sylvia na nanginginig si Sofia nang hawakan niya kaya tinanong niya kung bakit, at umamin nga na natatakot sa kanya.

“Sinabihan ko na huwag siyang matakot, mukha lang akong impaktita pero hindi at kailangan naming maging close kasi mag-ina ang role namin sa Mama’s Girl,” ani Ibyang.

KILALANIN: Bikolanang kakanta ng pambansang awit sa SONA 2024

Kaya ngayon ay okay na sina Sylvia at Sofia lalo’t kapareho pa ng pet name ng anak ng una na si Ria Atayde, “Potpot,” na ginamit din sa pelikula.

Mama’s girl nga ba si Sofia at paano siya nakaka-relate sa karakter niya sa pelikula?

“Opo, mama’s girl po, eversince po nu’ng bata ako hanggang ngayon inaamin ko naman po ‘yan,” mabilis na sagot ng dalaga sabay bati sa mama niyang nanonood sa isang tabi. “Halos lahat kasi po siya (mama niya) ‘yung nagde-decide for me, so malaking tulong siya sa buhay ko.”

Hanggang saan ang pagiging mama’s girl niya? Nababanggit pa ba niya ang mga sekretong niya sa ina lalo na ngayong dalaga na siya?

“As of now, I’m very open to my mom, pero kapag sobrang open, nag-aaway na po kami, ha-ha-ha. Honestly, yes. Kasi nararamdaman niya kapag may ‘tinatago, so parang mahirap magtago sa mommy,” sagot ng aktres.

Maging ang naging relasyon nila ni Diego Loyzaga ay alam ng ina ni Sofia, “Alam po ni mommy na friends kami.”

Sabay sabad ni Diego, “Para matapos na po, Tita (mommy ni Sofia) knows everything, alam niya po lahat. Kung anong meron man, alam niya ‘yun.”

Ano ang matututuhan ng tulad niyang millennial sa Mama’s Girl kapag pinanood ang pelikula?

“Matututunan po nilang mas mahalin pa ang magulang nila especially ang mga nanay nila, ‘yung respeto sa magulang,” say ng dalaga.

Samantala, marami ang nakapansin na all out na ngayon si Sofia sa publiko. Kung dati kasi ay piling-pili lang ang mga ipino-post niya sa Instagram lalo na sa pananamit, ngayon nag-pose pa siyang naka-bathing suit. Hindi ba siya pinagbawalan ni Diego na sinasabing karelasyon niya?

“Hindi naman po kita ‘yung boobs ko, hindi rin kita ‘yung puwet ko, so okay lang po ‘yun,” sagot ng dalaga. “Okay lang po ‘yun kumpara sa iba na kitang-kita lahat. Sabi nga niya (Diego), ‘uy ganda mo rito, ah.’ Hindi naman siya nagalit. Kapag kita ang cleavage, du’n, galit siya.”

May karapatan nga bang magalit si Diego gayong sinasabi nilang magkaibigan lang sila?

“Wala po,” mabilis na sagot sabay tawa ng dalaga, “pero sinasabi po niya na, ‘Sofia ayoko ng post mo, ayoko ng suot mo, or sure ka ipo-post mo ‘yan, sure ka hindi mo ide-delete ‘yan?’ Sabi ko naman, ‘maganda naman, ah!” kuwento ng young actress.

Inamin niyang nag-aaway sila kapag may ayaw si Diego sa post niya.

”Nasa akin po iyon kung ano ang gusto kong i-post, maganda naman, di ba?”

May insecurities ba si Sofia sa katawan niya?

“Hindi naman po, ‘yung tiyan ko lang minsan bloated,” saad ng dalaga.

Anyway, mukhang isa si Sofia sa paborito ng Regal dahil ikatlong pelikula na agad niya ang Mama’s Girl. Nakadalawa siya noong 2017, ang Pwera Usog at Mighty Yaya.

Mapapanood na ang Mama’s Girl sa Enero 17 mula sa direksiyon ni Connie S. Macatuno. –Reggee Bonoan