Ni ANNIE ABAD

Monsour Del Rosario
Monsour Del Rosario
TILA isa-isa nang nagkakalasan sa haligi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco ang mga opisyal na kilalang kaalyado ng dating Tarlac Congressman.

Nitong Lunes, nanindigan si Makati Congressman at 2019 Philippine Southeast Asian Games Chef de Mission Monsour del Rosario na tanging eleksyon lamang ang sagot sa kasalukuyang suliranin sa liderato ng Olympic body.

“It has been long overdue. I agree with Bobby (Bachmann). POC needs an election,” pahayag ni del Rosario, kilalang kaalyado ni Cojuangco sa POC.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“But then whoever wins, one should respect the results and mas maganda kung magkaisa sila if they really want to help the Philippine Sports,”aniya.

Matatandaang naglabas ng disisyon ang Pasig Regional Trial Court nitong Disyembre 1, 2017 na nagpapawalang-bisa sa naganap na elekyon sa POC noong Nobyembre 2016. Ang desisyon ay bunsod ng reklamong isinampa nina boxing officials Ricky Vargas at cycling chief Bambol Tolentino hingil sa pagpigil sa kanila ng POC Commission on Election na tumakbo sa pagka-pangulo at chairman, ayon sa pagkakasunod.

Ayon kay judge Maria Gracia Caidz-Casaclang ng Pasig RTC Branch 155, sinaklawan ng POC Comelec ang kapangyarihan ng mismong POC by-Laws and constitution at sinabing hindi malinaw ang probisyon para sa ‘physically present’sa POC general assembly para maging lehitimong miyembro.

Ipinag-utos ni Cadiz-Casaclang na magsagawa ng bagong eleksiyon sa Pebrero 23, 2018.

Ipinahayag ni Cojuangco na ‘government intervention’ ang naturang desisyon at malalagay ang Pilipinas sa tiyak na ‘sactioned’ sa International Olympic Committee (IOC). Inutusan na rin umano niya ang kanyang legal team para magapela sa naturang desisyon.

Iginiit naman ni Vargas sa kanyang sulat sa POC na makakaiwas ang Olympic body sa anumang suliranin kung susundin ang desisyon ng korte.

Ayon sa 2017 Man of the year awardee sa Korea na si del Rosario, eleksyon lamang ang natatanging solusyon upang matapos na ang gusot sa liderato ng POC at maiwasan ang tuluyang pagkakawat-watak ng grupo.

Kamakailan, sinabi rin ni POC Board member at gymnastics president Cythia Carrion na handa siyang magbitiw sa puwesto para bigyan ng pagkakataon ang bagong eleksiyon.

Bagaman hati ang saloobin niya ukol sa nasabing eleksyon, gayung kapwa malapit sa kanya ang dalawang personalidad na nakahanay sa POC leadership, inamin naman ni del Rosario na posibleng si Vargas ang kanyang iboboto sa eleksyon.

“Mahirap for me kasi, Ninong ko sa kasal si Cong Peping at malapit ang pamilya namin. On the other hand, malaki naman ang suporta na natatanggap ng taekwondo sa grupo nila Mr. Vargas. and I have to think of my athletes. But I know maiintidihan naman ako ni Cong Peping,” pahayag ni Del Rosario.

Matatandaang ibinigay din kay del Rosario ni Cojuangco ang pagiging Chief of Mission ng Philippine delegation sa Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgabat, Turmenistan nitong Disyembre.

Gayunman, umaasa pa rin si del Rosario na magkakaroon ng pagkakaisa sa POC sinuman ang magwagi kung sakaling matuloy ang nasabing eleksyon.

“Dapat they should be open to talk if they really want to help sports, dun sa mananalo,he can talk dun sa natalo kung pwede silang magtulungan, para wala nang gulo. anyway, it’s for the country naman,” aniya.