Naglalagablab ang outside shooting ng two-time MVP sa naiskor na 32 puntos at siyam na assists para pangunahan ang Golden State Warriors sa paglupig sa Denver Nuggets, 124-114, nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nabalewala ang unang career triple-double ngayong season ni Nikola Jokic -- 22 puntos, 12 rebounds at 11 assists – at apat na Nuggets pa ang umiskor ng 20 puntos o higit pa nang bawiian sila ng Warriors para matikman ang ikalawang sunod na kabiguan.
Nag-ambag si Klay Thompson ng 19 puntos, habang kumana si Draymond Green ng season-high 23 puntos at 10 assists para sa ikalimang sunod na panalo ng defending NBA champions. Sa ikatlong sunod na laro, hindi nakalro si Kevin Durant dahil sa iniindang ‘strained right calf’.
Sa kanyang ika-12 30-point game ngayong season, nakumpleto ni Curry ang marka sa naisalpak na long range may 56.1 segundo ang nalalabi sa third para sa 93-81 bentahe ng Warriors.
Naitala ni Curry ang 29 o higit pang puntos sa ikapitong sunod na laro. Sa nakalipas na apat na laro, tangan niya ang averaged 36 puntos, anim na rebounds, 4.8 assists at 1.3 steals sa 31.8 minuto mula nang magbalik laro matapos magtamo ng injury sa paa.
Kumamada si David West ng 10 points puntos para sa ikatlong sunod na laro na may double digit score, anim na rebounds at apat na assists para maging ika-127 player sa kasaysayan ng NBA na nakapaglaro ng 1,000 regular-season games.
WOLVES 127, CAVS 97
Sa Minneapolis, pinatunayan ng Minnesota Timberwolves na kaya nilang makipagsabayan sa heavyeight teams at natikman ng Cleveland Cavaliers ang bangis ng Wolves.
Hataw sina Andrew Wiggings ng 25 puntos at Jimmy Butler na mat 21 puntos para ibaon ang Cavaliers sa 41 puntos na bentahe tungo sa dominanteng panalo.
“We did what we’re supposed to do at home,” pahayag ni Butler.
“We’re a really good team. They’re a really good team. They missed a lot of shots that they normally make. We all know that. We’ll see them again down the road, and hopefully we play the same exact way.”
Kumubra rin sina Karl-Anthony Towns (19 puntos, 12 rebounds) at Taj Gibson (16 puntos at 13 rebounds), at pinahirapan ng Wolves ang Cavs sa malalintang depensa at gapiin sa rebound, 56-37.
Nasundan ng Wolves ang 116-98 panalo sa New Orleans nitong Sabado sa matikas na pamamaraan sapat para maalarma ang mga karibal sa kanilang five home game.
“We just came out the last two games with a certain mentality, a certain focus,” sambit ni Towns.
Nalimitahan si LeBron James sa 10 puntos mula sa malamyang 4-for-8 shooting para sa career-worst minus-39 rating. Ito ang unang kabiguan ni James sa Minnesota sa nakalipas na 13 laro mula noong Feb. 17, 2005.
“I’ve won a game and had a bad plus-minus before, so what does that matter?” pahayag ni James. “I don’t give a damn about no damn plus/minus.”
SPURS 107, KINGS 100
Sa Sacramento, pinaluhod ng San Antonio Spurs, sa pangunguna ni LaMarcus Aldridge na may 31 puntos at 12 rebounds, ang Kings.
Naitala ni Davis Bertans ang career-high 28 puntos mula sa 11-of-15 shooting, tampok ang anim na three-pointers, habang kumana sina Patty Mills ng 14 puntos at limang assists, at Bryn Forbes na kumubra ng 12 puntos.
Sumabak ang Spurs na wala ang dalawang leading scorer na sina Kawhi Leonard at Manu Ginobili.
Isang gabi matapos malusutan ng Portland, 111-110, nabaon ang San Antonio sa mahigit 13 puntos sa first half at naghahabol sa 90-95 sa huling apat na minuto.
Naisalpak ni Kyle Anderson ang isang free throws at kumonekta si Bertans nang magkasunod na three-pointer para maagaw ang kalamangan sa 97-95. Matapos ang dalawang free throw ni Willie Cauley-Stein, naisalpak ni Aldridge ang tipped in mula sa mintis na tira ni Mills at nasundan ng three-point play para sa 10-3 run ng San Antonio.
Nanguna si Cauley-Stein sa Kings na may 22 puntos at siyam na rebounds, habang tumipa sina De’Aaron Fox ng 11 puntos at 10 assists, at kumubra si Bogdan Bogdanovic at Garrett Temple ng tig-16 puntos.
PELICANS 112, PISTONS 109
Sa New Orleans, naisalba ng Pelicans ang pagkawala ni Anthony Davis bunsod ng injury sa paa sa third period para maigupo ang Detroit Pistons.
Ratsada si DeMarcus Cousins sa naiskor na 20 puntos, habang kumubra si Rajon Rondo ng 12 puntos at 15 assist para sa New Orleans.
Dominado ni Davis ang opensa nang ma-injury may 4:41ang nalalabi sa third period. Humugot siya ng 30 puntos at 10 rebounds sa 27 minutong paglalaro.
Nanguna sa Pistons sina Tobias Harris na may 25 puntos at Avery Bradley na kumana ng 24 puntos. Nagt-ambag si Andre Drummond ng 16 puntos at 14 rebounds.
Sa iba pang laro, kinulata ng Houston Rockets ang Chicago Bulls, 116-107; naungusan ng Toronto Raptors ang Brooklyn Nets, 114-113; pinaluhod ng Indiana Pacers ang Milwaukee Bucks, 109-96.