INIHAYAG ni Trade Secretary Ramon Lopez na nananatiling malaki ang tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa sa kabilang ng ipinatutupad na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Act ngayong taon.
Sa isang panayam kasama si Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar, sinabi ni Lopez na nakuha ng bansa ang tiwala ng mga investor dahil sa matatag na Philippine Stock Exchange index (PSEi) sa huling trading days sa stock market noong 2017 hanggang sa umpisa ng 2018, kahit na naipatupad na ang batas sa bansa.
Sa huling trading day ng 2017, nagsara ang PSEi na mayroong mataas na 8,558.42 points, kumpara sa sinundang taon na mayroon lamang 6,840.64.
Nitong Biyernes, napanatili nito ang malaking puntos at nagsara ang merkado nang araw na iyon na mayroong 8,770 puntos.
Ito ay sa kabila na itinaas ng TRAIN Act ang stock transaction tax sa PSE, na naging 0.6 na porsiyento mula sa 0.5 porsiyento.
“The confidence of our investors is sustained,” saad ni Lopez.
Samantala, itinanggi naman ng kalihim ng Department of Trade and Industry ang pahayag ng Makabayan bloc sa Kamara de Representantes na kontra sa mahihirap ang TRAIN law, at magiging pabigat lamang sa publiko dahil patataasin nito ang presyo ng mga bilihin at serbisyo, bunsod ng karagdagang excise tax sa petrolyo.
“Those remarks — I would say, rhetoric — have no basis,” sabi ni Lopez, at iginiit na ang bagong batas sa reporma sa buwis ay maingat na pinag-aralan ng gobyerno.
Una rito, inihayag ng Department of Trade and Industry na ang bagong excise tax sa langis at gasolina ay maliit lamang ang epekto sa taas-presyo, at maaaring madagdagan lamang ang presyo ng mga bilihin ng wala pang isang porsiyento.
“This reform will further boost our economy,” giit pa ni Lopez. - PNA