Mas pinipili ng gobyerno na sirain kaysa isubasta ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BoC) na mga kontrabandong luxury car.
Isa lamang ito sa mga direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kay BoC Commissioner Isidro Lapeña na kanyang sinasang-ayunan, at sa pamamagitan nito hindi na uulit ang mga smuggler.
Sa paunang ulat, ang mga luxury car tulad ng McLaren sports car, Lamborghini at Ferrari ay nasamsam ng mga tauhan ng bureau noong 2017. Nakatakdang sirain ang mga ito sa linggong ito o sa susunod na linggo.
Aniya, kadalasan ang mga kontrabandong sasakyan na isinusubasta ay bumabagsak pa rin sa kamay ng mga smuggler dahil sila rin ang nananalo sa auction.
Gayundin, hindi rin panghihinayangan ng BoC ang P13 milyon halaga ng mga produktong pang-agrikultura at iba pang mga bagay na ipinuslit na sirain upang hindi na pakinabangan ng mga tiwaling negosyante. - Mina Navarro