Ang Larawan
Ang Larawan

Ni REGGEE BONOAN

PINANINDIGAN ng Metro Manila Film Festival (MMFF) executive committee na hindi nila ilalabas kung magkano ang kinita ng bawat pelikulang kalahok sa festival.

Nag-post sa Facebook account ang spokesman at isa sa MMFF officials na si Noel Ferrer ng, “MARAMING MARAMING SALAMAT PO! WE HAVE EXCEEDED OUR 1 BILLION TARGET. #KapitBisigLagi #MasMagandaKungSamaSama#GoodVibesLang #MMFF2017.”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Tinext namin ang si Noel tungkol dito at tinanong kung bakit wala silang inilabas na figures gayong nangako sila sa publiko na ilalabas ito sa huling araw ng festival.

“Okay na ‘yung more than 1Billion (pesos) na, mas major news ang extended at okay pa ang MMFF passes,” sagot ni Noel.

Tama rin naman na major news ang extended na festival passes na ngayong taon lang nangyari sa kasaysayan ng MMFF. Nabigyan pa nila ng panahon ang mga hindi pa nauubos mapanood ang walong pelikula, tulad namin.

Pero marami pa rin ang nagtatanong kung magkano ba talaga ang kinita ng bawat pelikula, bagay na ayaw namang ipahayag ng MMFF, kaya makikiramdam na lang siguro ang movie-going public kung aling pelikula ang naririnig o nakikita nilang may mahabang pila nitong mga nakaraang linggo. At siyempre kung alin naman ang mga tinanggal na sa mga sinehan.

Sige pakiramdaman na lang natin ang klima o atmosphere sa box office. Base sa mga nakita natin: No. 1 ang Gandarrapiddo The Revenger Squad na ayon sa sources namin ay kumabig ng mahigit P500M; No. 2 ang Ang Panday; No. 3 ang Siargao; No. 4 ang Haunted Forest; No. 5 ang Meant To Beh; No. 6 ang Ang Larawan; No. 7 ang Deadma Walking at No. 8 ang All of You.

Ayon sa mga nakausap namin, masaya ang Team Vice Ganda (The Revenger Squad) dahil bukod sa number one sila ay bumalik na ang puhunan nila at kumita pa.

Masaya rin ang Team Coco (Ang Panday) na No. 2 sa takilya kaya bawi puhunan na rin kahit malaki pa ang kinapital na box dahil mahal ang special effects.

Siargao
Siargao
Abot-tenga at panay naman ang pasasalamat ng Ten17 Productions (Siargao) sa pangunguna ni Direk Paul Soriano dahil mula sa pangalawang kulelat ay umakyat sila sa ikatlong puwesto, nakabawi ng puhunan at kumikita na.

Hindi man nagpapahalata sina Mother Lily Monteverde at Ms. Roselle Monteverde-Teo sa nakaraang presscon ng Mama’s Girl ay may nagbulong naman sa amin na masayang-masaya ang mag-ina dahil nabawi na nila ang puhunan ng pelikula nila plus malaki pa ang kinita.

Sabagay, knowing the lady producers, hindi naman sila naghahangad ng malaking kita basta’t hindi sila nalugi. At saka obvious ba, Bossing DMB, mura lang ang talent fee ng mga bida ng Haunted Forest, di ba?

Wala kaming ideya kung nabawi na ng Mzet Productions, OctoArts Films at APT Entertainment ang puhunan nila sa Meant To Beh na malalaki ang talent fee ng mga bida.

Nasa P25M ang puhunan ng Ang Larawan kaya hopefully umabot sila sa P50M para break-even at sana ngayong extended sila, e, sumampa naman sana sa P75M para kumita ang producers.

Bagamat pangalawa sa kulelat ang Deadma Walking, masaya na rin ang producers nitong T-Rex at OctoArts dahil nabawi na nila ang puhunan plus tubo. Bagamat all-star cast ang pelikula, pawang ‘thank you’ raw lahat dahil puro kaibigan ng cast at producers kaya hindi nagpabayad. Tarush, di ba?

Nalungkot naman kami kung panghuli ang All of You considering na nag-Best Actor pa si Derek Ramsay at alam naman nating mahal ang kabuuan nito dahil nag-shoot pa sila sa Taiwan bukod pa sa mahal ang talent fee ng mga bida, unless napakiusapan silang magbaba ng presyo.

Anyway, pabor na rin kami sa magandang patakaran na ng MMFF na hindi na sinasabi ang figures at ranking sa publiko, kaya kami-kaming nasa showbiz lang ang nakakaalam, ha-ha-ha!