Sinusubukang umakyat ng mga deboto sa andas ng Poong Nazareno pagdaan nito sa harap ng Manila City Hall. (MB photo | Camille Ante)
Sinusubukang umakyat ng mga deboto sa andas ng Poong Nazareno pagdaan nito sa harap ng Manila City Hall. (MB photo | Camille Ante)

Ni Martin A. Sadongdong

Muling nangibabaw ang matibay na pananampalataya ng mga Pilipino sa pagsasama-sama ng mga Katoliko sa Quiapo Church para sa Traslacion 2018.

Sa ganap na 12:00 ng tanghali, tinatayang aabot sa 200,000 katao ang nagtipun-tipon sa harap ng Quiapo Church.

Human-Interest

AI software na detector ng bara sa puso, inimbento ng Grade 11 students

Walang pinipiling edad ang pagmamana ng tradisyon sa pagsali sa Traslacion, ilan sa mga deboto ay nagpamalas ng malalim na pananampalataya sa pakikiisa sa mapanghamon na okasyon.

Magkatulong ang magkapatid na Alexa Andrea Panuncio, 9, at CJ Panuncio, 7, sa paghahagis ng tuwalya ng mga debotong nais mahawakan ang imahen ng Poong Nazareno sa kanilang simbahan sa Labores, Pandacan.

Ang magkapatid ang pinakabatang miyembro ng “Panatikos”, religious group sa Labores Chapter na binuo noong 2011 at taunang nakikiisa sa Traslacion.

Taun-taon, sinasamahan sina Alexa at CJ ng Panatikos officials, karamihan ay kapitbahay nila, sa parada ng Poong Nazareno sa harap ng Quiapo Church.

Ang kanilang ina, si Jingly, 30, ay kinailangang alagaan ang bunso nilang kapatid, ang limang buwang si Sofia, habang ang kanilang ama, si Leo, 33, ay nasa Carmona, Cavite upang magtrabaho bilang construction worker.

Sa kabila ng murang edad, determinado sina Alexa at CJ na magawa ang kanilang tungkulin bilang tagapag-ugnay ng mga deboto sa Nazareno.

“Nalilito rin po ako minsan kasi maraming nagbabato ng tuwalya sa amin. Pero ginagalingan ko po para sa baby namin,” sabi ni Alexa sa Balita.

Naniniwala ang mga deboto na kapag nahawakan ang nakaluhod na imahe ni Jesus ay gagaling ang sinuman sa anumang karamdaman.

Ito marahil ang pinagkukunan ng tiyaga ni Alexa para sa kahilingan niya para sa kanyang pamilya.

“Sana po lumaking malusog ‘yung baby namin at walang sakit tsaka safe si Papa lagi sa trabaho,” hiling niya.

Mayroon ding hiling si CJ: “Sana po maging pulis ako para mahuli ko ‘yung mga magnanakaw sa amin.”